HINDI MALAYO ANG BIYETNAM
Virgilio Crisostomo
Ang karahasan ba ay pisikal lamang?
Ano-ano ang iba pang pagpapahiwatig nito? Wala akong narinig sa kanilang usapan
nang yakapin ni Itay si Inay. Nakangiti, umaalo ang mukha ni Itay, habang
mugtong-mugto ang mga mata at abot-abot ang hikbi ni Inay.
Sa kuwadradong salaming iyon na
bahagyang pinalabo ng mga marka ng daliri ng kung sino-sino, huli kong
nasilayan ang mukha ni Itay bago siya tumulak sa Biyetnam. Nakatingkayad ang
maliliit na paang nakasapatos na pansimba, nakapangungunyapit ang maliliit na
daliri sa makitid na frame,
nanghahaba ang leeg at nanlalaki ang mata sa pagsisikap na makita ang dalawang
aninong iyon. Ako iyon, isang paslit na pitong taong gulang. Isang musmos na
naghahatid-tingin sa isang amang tutungo kung saan. Nangawit ako sa
katitingkayad. At nang sumayad ang sakong ko sa sahig ay biglang nawala rin ang
tagpong iyon. Siniko ko ang aking Kuya Danny na halos idikit na ang mukha sa
salamin.
“Kuya… Kuya… bakit umiiyak ang Inay?”
Pero hindi yata niya ako napansin. Nang
tingalain ko siya ay kagyat akong nagtaka. Noon ko unang nakitang umiyak ang
Kuya. At iyon na rin yata ang kahuli-hulihan. Noo’y hindi ko maunawaan kung
bakit dapat umiyak ang Kuya ko. Pag ako’y umiiyak ay sinasabi niya sa akin na
hindi dapat umiyak ang isang lalaki. Hindi bale si Inay, babae siya. O si Ate Saling.
O si Lits. O ako. Bata pa kami. Iyakin. Si Ate noo’y nuwebe anyos pa lang. Ako’y
siyete. At si Lits ay tatlo. Pero si Kuya, _
rst year na siya sa hayskul. Malaki na siya.
Iginala ko ang tingin kina Ate at kay Lits. Naroroon pa sila’t libang sa escalator. Walang
sawa sa kapapanhikpanaog. Panhik-panaog. Walang kamalay-malay sa madulang
tagpong iyon.
Hinatak-hatak ko ‘yung T-shirt ni Kuya.
Gusto kong makitang muli ang Itay. “Kuya! Kuya! Kargahin mo ako!”
Naalimpungatan yata uli ang Kuya.
Dinukot ‘yung panyo saka pinahiran ang mata.
“Bakit ba kayo umiiyak?” paungot kong
usisa kay Kuya. “Pa’no aalis na ang Itay.
Pupunta sa Biyetnam, duon siya
magtatrabaho,” basag ang boses ni Kuya. Parang may bara sa lalamunan. Pati
tuloy ako’y napalunok.
“O, eh bakit kayo umiiyak?” sabay
tingkayad kong muli. At sa malabong salami’y natanaw ko sina Itay,
hinihimas-himas niya ang buhok ni Inay.
“E pa’no matagal nating di makikita ang
Itay. Matagal siyang mawawala.”
“Bakit… malayo ba ang Biyetnam?”
“Malayo… malayong-malayo…” nagsasalita
ang Kuya ngunit ‘di napapaknit ang kanyang tingin sa malabong salaming iyon.
Umaaninag, tumatagos sa malabong salaaming iyon. Sa pagtingkayad kong muli’y
papalayo na ang Itay. Bitbit ng kanang kamay ang maleta. Ang kaliwa’y nakayapos
sa baywang ni Inay. Mahigpit. Mapagmahal. At ang aninong yao’y unti-unting
naglaho sa kalabuan ng salaming iyon.
Nagkagulo ang mga Tata at Nana at mga
pinsan kong naglipana sa bulwagan ng paliparan. Humahangos si Ate at si Lits na
nakatuwaan namang paikutin ang malaking globo sa gitna ng bulwagan.
“Lilipad na raw ang eroplano, Bong,”
sabay kabig sa akin ni Ate Saling nakangiwi namang humahabol si Lits.
“Aalis na nga ba ang Itay mo, Danny?”
tanong ng Nana Belen ko sa Kuya.
“Oho,” mahinang sagot ni Kuya.
“Aba’y tena na,” yakag ni Tata Kardo.
“Saan ba makikita ‘yung eroplano, ha?”
tanong ng Nana Gelang.
“Doon,” sagot ng Tata Kardo at itinuro
ang isang pintong pinagkakaguluhan ng mga tao. Nakalimutan ko na kung magkano
ang ibinayad ng Tata Kardo sa pagpasok namin doon. Ngunit may sinabi siyang
pabiro na bagama’t biro ay hindi ko malilimot. Sabi niya: “Hindi bale na,
Danny. Pagbalik nito, dolar na.”
Dolar. Iyon na yata ang pinakapalasak
na salita kong narinig sa pag-uusap ng matatanda simula nang marinig ko sa
kanila ang katagang Biyetnam. Tuwing mag-aalmusal kami ay sa dolar lagi
natutuloy ang usapan.
“Kahit nga ba medyo peligroso,”
paliwanag ni Itay, “e, dolar naman ang suweldo ko. Mantakin mo namang triple
ang kikitain ko doon kaysa rito, na wala namang tumatanggap sa akin.”
Minsan naman, sasabihin ni Itay: “Puwedeng
magbukas ako ng account sa
bangko sa dolar. Napakadaling bumaba ng piso, e. Halos taon-taon bumababa.” Ang
palagi ko naming naririnig sa Nanay e,
“Pero peligroso doon. Ano na ang
katuturan ng dolar kung wala ka na?” Sasagutin naman ng Itay ng tawa: “Aba e
huwag mong iisipin ‘yung mga ganoong bagay at talagang hindi tayo aasenso. Ang
malas, kahit nasaan ka e talagang darating. Iyung iba nga ni hindi lumalabas ng
bahay e naaaksidente pa rin. Sabi nga ng Inang mo sa akin nang nanliligaw ako
sa ‘yo, kung ‘di ukol, ‘di bubukol.” Tapos magtatawanan sila. At mauuwi na
naman sa dolar ang usapan.
Marami akong natatandaang usapan nila
na noo’y ‘di ko naman maunawaan. Tulad ng isang gabing nakaupo sila sa sopa
naming yantok. May lambong ng lungkot na muling mababanaag sa kanilang mata. At
si Inay ang laging mauunang magsasalita, “Kung hindi ka sana naalis sa
trabaho…” na sasansalain naman ng Itay, “O… o… ayan ka na naman… kalimutan mo
na iyon. Nakaraan na iyon.”
“Paano kung makakalimutan iyon. Wala ka
namang ginagawang kasalanan e naalis ka sa trabaho.”
“Hindi ako ang unang biktima ng
in-hustisya. At hindi rin ako magiging huli.”
“Sana’y hindi ka na kailangan pang
umalis.”
“Para magtiis sa isang gawaing alam
mong hindi tama. Magbulag-bulagan sa mga kabulukan. Makisali sa pandaraya sa
mga tao. Hindi ko talaga masikmura ang ganoon.”
“Pero narito ka naman. Sa piling namin.
At hindi kami mag-aalala.”
“Ibig mo bang sabihi’y pipiliin mong
sirain ko ang pagkatao ko para lang mailigtas ang posisyon ko sa bulok na
opisinang iyon?”
“Hindi naman sa ganoon… kaya lang…”
“Saka sa pagpunta ko sa Saigon, sa
Biyetnam ay isa ring paglilingkod ko sa kalayaan. Hindi ba? Nanganganib ang
Biyetnam. At handa tayong magpakasakit.” Kapag ganoon ang usapan, tutungo na
ang Inay. At bahagyang nagsisikip ang dibdib sa pagtitimpi sa kanyang luha na
lalapit si Itay at buong lambing na aakbayan ang Inang sa balikat. Aalu-aluin
at itatayo ito, aalalayan sa paglakad hanggang sa kanilang silid. At ang pinto
ay pipinid. Pipinid iyon nang hindi ko naaarok ang lalim ng kanilang
pinaguusapan. Sa hagdan ng eroplano’y ilang katao silang nangakalingon at
kumakaway. Sa layong ito’y hindi ko malaman kung alin si Itay sa kanila. Lahat
sila’y nangaka-Amerikanang itim na nangagsalaming may kulay.
“Ayun! Ayun ang Itay mo,” tumitili na
ang Nana Gelang na karga-karga si Lits. “Lits, babay ka na sa Itay. Babay!
Babay!”
Kumakaway silang lahat. Si Kuya at si
Ate. Ang mga pinsan ko. Mga tiyo’t tiya. Hanggang sa alisin na ang hagdan, at
ipinid na ang pinto. Hanggang mga anino na lamang sa mga bughaw na bintana ang
kanilang nakikita. Hanggang sa umatungal—nakabibingi, nakatutulig ang mga
dambuhalang makina at umusad ang higanteng ibon. Dahan-dahan. Umikot. Bumalik.
Umangat sa lupa’t pumaimbulog sa itaas. Paliit nang paliit, hanggang sa tuluyang
maglaho ito’y kumakaway pa rin sila. Ako. Kami. Kahit hindi namin siya
nakikita’y alam naming naroroon siya. Sa dambuhalang ibong yaong magdadala sa
kanya sa malayongmalayong Biyetnam.
Sa unang taon ng pagkawalay ni Itay ay
mistulang balo ang ikinikilos ng Nanay. Madalas ay tatahimik. Lalong-lalo na sa
hapag na dati-rati’y kongreso nila ni Itay. Sa harap ng radyo. O ng dyaryo. Sa
mga gayong pagkakatao’y si Kuya ang hinaharap ko.
“Bakit umiiyak ang Nanay?” bulong ko
kay Kuya na kung ano-ano ang kinukutikot sa likod-bahay.
“Talaga,” sagot niya.
“Talagang ano?”
“Talagang ganoon ang mga ina.
Nag-aalala sa kanilang asawa.”
“May nangyari ba kay Itay?”
“Wala naman. Kaya lang e kung ano-anong
balita ang nababasa’t naririnig ng Inay. Kamukha kagabi binomba raw ang
Saigon.” “Bomba? ‘Yung kamukha kina Fernando?”
“Sinong Fernando?” tanong ng Kuyang
nagtataka. “Si Fernando Poe!” “Ah… oo…” Tumango-tango siya’t bahagyang ngumiti.
“Bakit binomba ang Saigon?” “May giyera sa Biyetnam. At karaniwan lang ‘yun
doon. Kaya laging nasa peligro ang buhay ni Itay,” sabay dampot sa gulok ng
Kuya na madaling nawala sa kawayanan. Hindi ko pa rin magagap ang peligrong sinasabi
nila na lalong hindi ko maintindihan ang pag-iyak-iyak ni Inay. Masarap nga
‘yung giyera, naisip ko. Pulos bakbakan. Si Fernando nga, ang tagal-tagal nang
nakikipaggiyera hindi naman naaano.
Subalit nang natunghayan ko ‘yung larawan ng Saigon sa
pahayagang binabasa ni Inay—‘yung mga mukhang duguan, mga putol na kamay, mga
paang naglawit-lawit sa katawang buhat-buhat ng isa pang katawang duguan din—ay
hindi ko mapaniwalaan na gayon ang giyera at iyo’y sa Biyetnam. Sa magaa’t
buhay na pagsasalita ng Itay sa paliparan at sa mga masasayang mukha ng mga
kaanak na naghatid sa kanya’y hindi maaaring magkagayon ang Biyetnam.
American Communication Engr.
Saigon, Vietnam
June 15, 1964
Dear Neng,
Arrived safely. Regards to children and everybody.
Love,
Carlos
Iyon ang unang komunikasyon ni Itay
mula sa Biyetnam. At hindi natiis ni Inay—ng iyaking Inay—ang maluha. Pero si
Kuya’y nakangiti. Umaalo sa isang inang nangungulila. At noon ko napansing may
malaking pagkakahawig pala silang dalawa. Si Itay at si Kuya.
Tuwing may darating na sulat mula sa
Biyetnam ay tatawagin kami ni Inay at babasahin nang malakas ang mga sulat ni
Itay. Tuwing darating ang kartero ay magkakagulo na kami. Uupo si Inay sa sopa
at maggigitgitan kami sa kanyang tabi. At sa tuwing mababanggit ang pangalan
namin sa sulat ay tuwang-tuwa kaming magkakapatid.
“Si Danny ba’y scholar pa rin?” at
ngingiti ang Inay kay Kuya na sasagot naman ng
“Syempre!”
“Danny, mag-aaral kang mabuti. Dati’y
hawak natin ang hayskul. Ngayo’y hawakan mo naman, hane!”
“Si Sol nga ba’y kinukuhang sagala?
Aba, baka hindi pa dalaga’y maligawan ka na,” at magtatago na si Sol sa ilalim
ng sopa.
“Si Totoy ba’y Totoy pa rin? Lagi kang
iinom ng gatas anak. At mukhang nangayayat ka,” at kakapain naman ng Kuya ang
masel ko sa braso na wala naman doon. Marami akong natatandaang usapan nila na
noo’y di ko naman maunawaan. “Si Lits, marunong na bang magsalita nang tuwid?
Tuturuan ninyong lahat. Aalagaan ninyong mabuti ha?” at kapag natapos na ng
Inay ang para sa ami’y ilulupi na niya ang liham at tutungo na sa kanyang silid
para basahin ‘yung nauukol sa kanya. Mga kataga ng paglalambing, ng pagmamahal,
ng pag-alo. Ng pangako’t pagsumpa. Paminsan-minsa’y magpapadala ng mga larawan
si Itay.
Mga larawang buong-ingat naming hahawakan at matagal na
tititigan. Naroong kasama niya ang ilang Amerikano.
O ilang Pilipino. O ilang Biyetnames na
pawang kasamahan niya sa trabaho. Naroong nakatayo sila sa tigang na lupang
kanilang binubungkal upang pagtayuan ng bakal na kongkreto. Naroong nasa loob
sila ng radio control room at naliligiran ng mga aparato. Naroong may hawak-hawak na chopsticks habang
kumakain sila ng pansit sa isang restawran sa Saigon. “Tumataba siya ano?”
nasambit ni Inay na parang naghahanap ng katiyakan.
“Oo nga ho,” nag-aatubiling sagot ni
Kuya. Pinag-aralan ko ‘yung mukha ni Itay. Hindi naman tumataba. Mukhang
nangayayat pa. Pero baka naman dahil sa malaking Amerikanong kasama niya sa
litrato. Mukha ring umitim siya. Pero baka naman dahil mapuputi ‘yung katabi
niya kaya tumitingkad ‘yung kulay niya. Iyon ang mga panukala ni Inay noong
hindi ako umayon sa kanyang sinabi. Pero, ewan ko. Marahil ay napansin din nila.
Nakangiti si Itay. ‘Yung dati niyang ngiti. Pero walang ningning ang mata niya.
Walang sigla. Sa buong paglagi ni Itay sa Biyetnam ay hindi lang apat o limang
ulit na inilipat siya sa trabaho. Noong una’y sa Saigon siya. Malauna’y
pinadala siya sa Danang. Pagkatapos ay sa Na-Trang. Sa Cantho. At kung
saan-saan. Mga pangalan ng mga lugar na sa una’y parang kakatuwa, ngunit
malauna’y nagiging pamilyar na rin. Kung saan may gawain, doon siya ilalagay ng
kompanyang Amerikanong iyon. Nagtatayo ng mga toreng panradyo. Bumubuo ng mga communication center ng
armi. Tumutulong sa pagbuo ng settlements
para sa mga biktima ng digmaan. Minsa’y
kasama sila ng mga sundalong Amerikano. Minsa’y Biyetnames.
Minsa’y Pilipino. O ng Operation Brotherhood,
kaya. Ang mga larawang ipinadadala niya’y namumutiktik sa mga sundalo’t kampo.
Ngunit ang mga mukha sa mga larawang iyo’y hindi kakikitaan ng ano mang bahid
ng digmaan. Ang ngiti nila’y waring mga lambong na tumatakip sa mga sugat ng
mga pangyayaring halos araw-araw ay inihahantid ng mga pahayagan. At ang
kanyang mga kuwento’y pawang masasaya. Tungkol sa kanyang mga kasama sa trabaho
na pawang mababait naman daw. Sa mga kabalat na nakatalisod niya sa Biyetnam.
Sa magandang lugar na halos kamukha na ng mga lugar natin dito. Sa mga katutubong
halos ay kasing balat na rin natin. Sa mga Amerikanong boss niya na bagama’t istrikto ay
makatarungan naman. Masaya. Masaya ang Biyetnam. At ang digmaa’y walang puwang
sa isang masayang Biyetnam. Ilang tag-araw, ilang tag-ulan ang nagsalit-salit.
Ang bubong na dating pawid ay naging yero. Ang silong na dating lupa ay naging
kongkreto.
Ang mangitim-ngitim na tablang dingding
sa itaas ay nagdagdag ng mga hollow
blocks sa ibaba. Isang maliit na telebisyon
ang tumabi sa radyo. Si Lits ay nag-aaral na sa paaralang nayong pinagdaanan
naming lahat. Ako’y magtatapos na ng elementarya at umaasam noon na mapasali sa
talaan ng mga pararangalan. Si Ate Saling ay nasa hayskul na. May tatlo, apat nang
gumigiri at ako ang mapalad na tulay. Si Kuya. Nasa lungsod na siya. Sa
pamantasan, doon siya nangangasera sa isang cottage
doon. At ang Inay, liban sa ilang guhit
sa noo, ilang hibla ng pilak sa buhok at salamin sa mata ay halos walang
pinagbago. Siya pa rin ang babaeng walang kibo. Masipag. Matiyaga. Ngunit hindi
na siya ang dating Ina, na sa kaunting balita ng gulo sa Biyetnam ay agad na
luluha. Nalibang marahil sa sulat ni Itay o kaya’y wala na lamang mailuha.
Nang yakapin ng Kuya si Inay ay parang
kung anong init ang biglang naipon sa aking dibdib. Sa aking kamalaya’y hindi
ko na mahanap pa ang tagpong iyon. Subalit sa pakiramdam ko’y isa ito sa mga
tagpo ng nakaraan na inuulit na lamang ngayon. Bitbit ang maleta sa isang kamay,
tinapik-tapik ng kabila ang balikat ni Inay. Nakangiti man sila’y may kung
anong lumbay na bumabalot sa tagpong iyon. Ang mga tagpo ng paglisan at paghihiwalay
ay laging may dalang kung anong bigat sa dibdib. Noong unang buwan ng Kuya sa
Maynila ay sabik na sabik siya sa pag-uwi sa amin. Sabado pa lang ng umaga’y darating
na siya, dala-dala ang malilibag niyang damit. Magmamano sa Inay. Hahanguin ang
malilibag na damit. Maghahalungkat ng makakain sa kusina. Magkukuwento. Dadaing
nang sandali sa paninibago sa Maynila. Sa mga kaklasing pa-Ingles-Ingles. Sa
mga titser na terror.
Sa madalas niyang pagkawala sa mga lugar na hindi niya kabisado. Pagkakain ng pananghalian
ay lalabas sa may tindahan. Kukumustahin ang mga dating kaibigan. Mga kabarkadang
napag-iwanan. Mga kaklase sa hayskul na wala nang maipantustos sa kolehiyo at
ngayo’y nagsasakang katulong ng mga ama-ama o gumagawa ng basket at tiklis o naglalabas
ng tricycle.
Sa gabi’y mag-aaral ang Kuya. At kinabukasan ng hapo’y babalik na sa Maynila.
Ngunit nagtagal-tagal at dumalang nang dumalang ang uwi ni Kuya. Naging tatlong
beses isang buwan. Dalawang beses isang buwan. Isang beses isang buwan. Isang
beses dalawang buwan. Sa maikling panahong itinira niya sa lunsod ay malaki ang
ipinagbago niya. Hindi na siya ang dating kimi at mahiyaing kuya na kilala ko
noon. Hindi naman sa yumabang siya, pero may kung anong tigas na nagpatatag sa
kanyang pagkatao. Dati-rati’y nakikipag- usap lamang siya sa iba kung
kinakausap siya. Dati-rati’y hindi siya magkalakasloob na makihalubilo sa
umpukan ng mga matatanda, ng mga tiyuhin ko. Subalit ngayo’y siya pa ang babati
sa iyo. Siya ang kusang mauupo roon sa umpukan. Kukumustahin ka. Bibiruin ka.
At kung hindi man sa pulitika magsisimula ang inyong usapan ay doon ito tiyak na
babagsak. Sa mga diskusyong ito tinutuligsa ni Kuya ‘yung mga bayaning huwad ng
Pilipinas, ‘yung mga alamat na nilikha ng mga mananalaysay na dayuhan, ‘yung
mga maling konsepto ng hospitality na halos ipagbili ang sariling bansa sa mga dayuhan sa ngalan
ng pakikipagkaibigan. Tatalakayin niya ang masasalimuot na isyu. Dadalirutin
niya ang loob at labas, ang kaliwa’t kanan nito. Doon sa mga usapang iyon una
kong narinig ang mga katagang misedukasyon, isipang kolonyal, imperyalismong
Amerikano. Mga katagang ni sa guniguni’y ’di ko mabuo-buo. At sa aking
kamusmusan ay nagtatanong ako. Komunista raw pala ang Kuya, sumbong ng tiyuhin
ko sa Inay. Supilin daw hanggang maaga. Palipatin na ng
eskwela. Mga pula at payong ikapamumula ni Inay. “Maraming
ulit ko ngang pinangaralan iyang batang iyan, eh,” isasagot ni Inay nang
pakimi. “Baka ‘ka ko sumasama sa mga rali-rali.
E hindi naman daw.” Totoo ‘yung
sinasabi ni Inay pagkat madalas, bago lumuwas ang Kuya ay kinakausap siya ni
Inay. Maghahanda ng dadalhing damit ang Kuya. Aayusin ang mga iyon sa kanyang
bag. Lalapit si Inay at mahinay na uupo sa gilid ng katre. “Uuwi ka ba sa Linggo,
Danny?” mahinahong itatanong niya. “E baka ho hindi ako mauwi, e. Me eksamin ho
kami sa isang linggo.”
Matagal na ‘di iimik ang Inay at
tititigan si Kuya na kusa namang hindi iaangat ang tingin sa mga damit niyang
inaayos. “Sinasabi ko lang naman, anak. Baka sumasama ka sa mga demonstrasyon.
Madalas kong marinig na ang eskwelahan ninyo ang laging namumuno diyan.”
Mahinang sasagot naman ang Kuya. “Hindi naman ho ako sumasama, Inay. Pero... sana
po e huwag naman maging negatibo ang pagtingin ninyo sa mga kabataan. May ibig
silang iparating. Mga makatarungang hiling.” “Ayan ka na naman. Magaling ba
iyong pinapaalis ninyo ‘yung mga Amerikano sa Pilipinas? Naku, hindi lang ninyo
nakita ang mga ginawa ng Amerikano noong giyera.” “Iyan nga ho ang laging
sinasabi ng matatanda,” kiming isasagot ng Kuya habang patuloy pa rin ang
pag-aayos niya ng damit. “Yung mga sakripisyo ng mga Amerikano nu’ng giyera.
Pero ang digmaang iyo’y digmaan ng mga...” at biglang mapapaudlot ang Kuya,
parang nagdadalawang-isip kung itutuloy nga niya ang sasabihin, “… ng mga
imperyalista.” At inangat niya ang tingin sa mga mata ng Inay. Mga matang nagtatanong,
nangangamba. “Mga malalaki, makapangyarihang bansang kumukubakob sa maliliit,
gumagamit ng yaman ng may yaman. Ang ipinaglaban ng mga Amerikano’y hindi ang
kalayaan ng daigdig kundi ang tagumpay ng kanilang kapangyarihan. Tayo ang
biktima.”
Malalalim ang mga katagang iyon. Pati
na ang mga salita ni Kuya’y nagiging makulay, maapoy. Sa gayong pagkakatao’y
malilito si Inay. Naririto ang kanyang anak. Nagbubukas ng mga pintong dati’y
wala roon. Pinakikita ang isang pananaw, isang daigdig na dati’y wala roon. At
hindi niya mabuo ang larawan ng daigdig na iyon. “Naku, ewan. Pero isip-isipin
mo man lang anak. Ang kinakain mo ngayon, ang binabayad mo sa eskwela, ang
ibinibili mo ng damit, ang ibinabaon mo’y galing sa Amerikano. Dolar ang
sinasahod ng Itay mo. At kung hindi dahil sa Amerikano’y wala. Gutom tayo.
Matuto ka namang tumanaw ng utang na loob.” “Bakit po naman tayo tatanaw ng
utang na loob?” patanong na sagot ni Kuya. “Pawis po naman ang pinupuhunan at
buhay ang isinusugal sa Biyetnam.” Pagkaraa’y tatahimik siya sandali. Bibilis
ang pagsusuksok ng mga gamit sa bag. At muli siyang magsasalita na halos
pabulong. “Ewan ko nga Inay. Minsa’y naiisip ko. Dapat nga kayang naroroon ang Itay?
Hindi ho ba ang mga Kano ang dayuhan sa Biyetnam? Hindi ba sila ang lumikha ng digmaan
doon? Bakit kailangan pang gugulin ng Itay, pati na ‘yung ibang mga Pilipino
roon ang kanilang lakas at panahon sa isang digmaang walang katarungan? Isang
digmaang hindi naman nila nilikha at lalong hindi nilikha para sa kanila o sa
atin.” Mabibigat ang mga katagang iyong parang isang daluyong na rumaragasa sa
aking kamalayan. Naroroon ang Biyetnam... sa kung saan. Sa ibayong dagat. Sa
malayong-malayo. Ngunit parang malapit lang iyon. Parang nararamdaman ko ang
init ng apoy ng kanyang digmaan. Sa usapang tulad noo’y laging nagwawagi ang
Kuya. Dahil na rin marahil sa hindi gaanong maarok ng Ina’y ang mga sinasabi ni
Kuya. At si Inay ay lagi na lamang nagwawakas sa mga kataga ng pagsusumamo.
“Ku, ewan ko ba sa iyo. Basta ang
sinasabi ko sa iyo e huwag kang makauwi-uwi dito nang putok ang iyong ulo.
Ipangako mo lang sa akin anak, na hindi ka sasama sa demonstrasyon at ako’y
mamamatay sa pag-aalala.” Matatawa lang ang Kuya at yayapusin ang Inay nang
buong paglalambing. “Huwag kayong mag-alala, Inay. Malaki na ako.” At pagkaraa’y
dadamputin niya ang kanyang bag at magpapaalam. Kay Inay. Kay Ate Saling. Kay
Lits. At sa akin. Ang huling paalam niya sa ami’y noong isang Linggong dumating
ang sulat ni Itay. Tulad ng dati’y naroroon ang mga larawan. Nakangiti. Masasaya.
At naroroon ang mga gusaling itinatayo nila. Mga barrack. Isang eskuwelahan sa isang nayong
sinalanta ng digmaan. Isang istasyon sa radyo. Naroroon ang mga kuwento.
Nagkita sila ng kumpare niya. May asawa na raw itong isang magandang Biyetnames
sa Saigon. Kinukumusta raw si Inay ng matalik na kumare nito na sumunod na sa
kanyang asawa. Mayayari na raw ang itinatayong gusali sa Danang at baka malipat
siya uli sa Saigon sa susunod na buwan. Kaya nga ngayon pa lang daw ay
naghahanda na ng isang pa-despedida ang kanyang mga kasamahan. Nangakangiti.
Masasaya. Ang mga larawan. Ang mga kuwento. “Kailan kaya tayo babalitaan ng
Itay tungkol sa Biyetnam?” biglang tanong ni Kuya.
Walang umimik. Iyo’y isang katanungang
hindi nag-aapuhap ng sagot. Bagkus ay kusang naglalaho sa katahimikan. Papaalis
nang talaga ang Kuya. Naantala ng pagdating ng sulat ang kanyang pagbibihis.
Kaya’t kapagkuwa’y tumalungko at kinapa sa ilalim ng sopa ang marungis at
pudpod niyang de-goma. Nagmamadaling sinuot iyon. Tumayo. Hinagudhagod ang
buhok. Hinablot ang diyaket na maong. Dinampot ang bag at nagpaalam.
“Aalis na ho ako, Inay.” At mabilis na
humakbang ang mga paang iyon. Sa madungis at pudpod na de-gomang iyon.
“Uuwi ka sa Linggo?” habol ni Inay.
Sandaling huminto at lumingon si Kuya
sa may pinto. “Kailan kaya tayo babalitaan ng Itay tungkol sa Biyetnam?”
“Hindi na ho siguro.”
At puminid ang pinto.
Dumating ang balita sa pamamagitan ng
peryodiko. Sa mga nasugata’t nasawi sa gulong iyo’y naroroon sa listahan ang
pangalan ni Kuya.
“Danilo Crisol... UP student...
organization, unknown...” At sa itaas, sa bandang kaliwa ang unang pahina’y may
larawan ng isang katawang naliligo sa dugo. Basag ang mukha. Nakadyaket ng
maong. May de-gomang sapatos sa kaliwang paa. Ang kaparis ay tumilapon kung
saan. At sa tabi ng duguang katawan, ay nakahandusay ang isang malaking
plakard. Kaagad ay pinagbihis ni Inay si Ate Saling. Tinawag sa bintana ang
kapitbahay namin at ipinagbilin kami ni Lits. Sagsag kina Tata Kardo at
nagpasama sa Maynila. “Diyos ko, ang anak ko. Ang anak ko!” usal niyang di
mapigtaspigtas habang siya’y bumababa ng hagdan namin. Sa tantiya ko’y iyon pa
rin ang inuusalusal niya hanggang sa Maynila.
Pagdating ni Kuya’y halos di ko na siya
makilala. Hindi nagawang retokihin ng ebalsamador ang mukhang winasak ng
dalawang punglong tumagos sa kanyang noo at panga. Matagal ko siyang
pinagmasdan. Mula pagbibihis hanggang sa paglilipat sa kabaong. At hindi
matanggap na ang putla, matigas na bagay na iyo’y si Kuya nga.
Pagdating na pagdating pa lamang nila
ay nagtuloy na ang Inay sa silid. Naroroon din sina Ate Saling at Lits. Doon—sa
maliit na silid na iyong pinagsasaluhan namin ni Kuya nang siya’y buhay pa.
Doon sila nagluluksa. Nilinga ko ang mga mukhang naroroon. Mga kapitbahay. Mga
kamag-anak. Mga mukhang nahahabag. Mga mukhang nanonood. Mga mukhang
nakikiramay. Mga mukhang ayaw umunawa.
“Kawawang bata. Minalas lang talaga.
Siya pa ba naman ang matamaan.”
“Sayang ang batang ‘yan. Matalino pa
naman.” “Kaya nga ba ‘yung anak ko e nilipat ko na ng eskwelahan, e.”
“Ano bang lipat-lipat? Ang anak ko’y
pinahinto ko na ng pag-aaral.”
“Iyan ang hirap sa mga kabataan ngayon.
Sobra ang dunong.”
“Kawawa naman si Kumare. Wala pa naman
si Kumpare.”
“Hindi ka dapat umiyak,” madalas niyang
sinasabi ito. Ngunit hindi ko rin mapigil. May matinding init na naghihimagsik
sa aking dibdib. Habang iniimpit ay lalong nagwawala.
Nagwawala. Hanggang sa ito’y makahulagpos.
Pinatelegramahan ni Inay si Ate Saling
sa bayan. Hihintayin ang Itay. Uuwi ang Itay sa libing ng kanyang panganay at
maghihintay kami. At naghintay kami. Matagal. Nakaiinip. Sapagkat ang panglaw
na kakambal sa balikat ng isang kamataya’y isang bigat sa balikat na ibig-ibig
mong ibagsak. Noong ikalawang araw dumating ang telegrama mula sa Biyetnam.
Hindi makararating ang Itay. Ayaw
siyang payagan ng kompanya pagkat hindi pa tapos ang kontrata. Magpilit man
siya’y hindi sapat ang naiipon niya para pamasahe.
“Kasalanan ko. Patawad.”
“Ano ba sila? Taong bato?” Sa
kauna-unahang pagkakatao’y tumigas ang salita ni Inay. Sandaling bumalasik ang
mga pugtong mata. “Wala ba silang anak? Hindi ba sila nakakaramdam?”
Nalibing si Kuya nang wala ang Itay.
Ang mahabang prusisyon ay dinaluhan ng ilang pulutong ng mga kamag-aral ni
Kuya. Naroon sila’t umaawit. Naroroon kami ni Inay. Sa likod ng mabagal na
sasakyan na kinalalagyan ng isang utak. Isang utak na nag-iisip at pinasabog sa
daan. Isang dilang nangahas mangusap at pinatahimik ng punglo. Isang biktima ng
karahasan sa isang bayang walang digmaan.
Noo’y humigit-kumulang isang taon
pagkamatay ni Kuya. Nakababang-luksa na kami subalit wala pa rin ang Inay sa
dati niyang sigla. Madalas ay nakatitig sa kawalan. Nag-iisip. Naninimdim.
Ganoong-ganoon siya noong unang umalis ang Itay. At nauunawaan ko iyon.
Ang mga haligi’y malalaking kawalan.
Isang Sabado noo’y nagpatao-po ang kartero at iniabot sa Inay ang isang sulat.
Telegrama. Telegrama buhat sa Biyetnam. At sa putol-putol na mga salitang iyo’y
nabuo ang isang mensahe. Uuwi na si Itay! Babalik na ang aking Ama!
Dapat ay nagsisigaw ako noon. Niyakap
ang Inay. Naglulundag sa tuwa. Kinalampag si Ate Saling at Lits. Pero hindi,
nakatingin lamang ako kay Inay na malumanay na niluping muli ang sulat at
itinuloy na muli ang pagwawalis. Pagkaraa’y tumigil at nagsalita.
“Hindi ka ba natutuwa, anak? Hindi mo
ba ibabalita sa Ate Saling mo?”
Hindi ko maipaliwanag kay Inay. Pero
talagang hindi ko malaman ang dapat na maging reaksiyon ko. Pitong taon. Pitong
taon ako nang siya’y lumisan. Pitong taon siyang nawala. Lima kaming kanyang
iniwan. At sa pagbabalik niya’y apat ang kanyang daratnan.
Sa mahabang paghihintay, isang kaluluwa
ang nangahas mangusap: Ibalik! Ibalik ang mga ninakaw! Ibalik ang nawawalang
ama! Ibalik! Ibalik! Sa pagkainip, isang kaluluwa ang tumutol at pinatahimik.
At masama ang loob ko kay Itay.
Mula sa isang tuldok sa bughaw na
langit ay unti-unti itong lumaki. Isang dambuhalang ibong nanggaling kung saan.
Mula sa isang malayung-malayong pulo. Sa kanyang tiyan ay naroroon ang mga pasaherong
naghanap ng pakikipagsapalaran sa malayong lupa at bumalik nang sugatan. Ah—at
sa kanilang bungo ay naiipon ang mga kasaysayan ng mga kabiguan, sa kanilang
labi’y namumutawi ang mga hinaing ng panghihinayang at pagsisisi. Banayad,
maingat na sumayad ang mga gulong sa mahaba, paikot-ikot na landas
na iyon. Sa paliparang iyong bahagi lamang ng isang malaking
lupaing kinatitirikan ng malaking gusali ng US Air Force. Isang malinis,
magara, makabagong lunsod ng mga puti na naliligiran ng dumi’t baho ng isang
makasalanang lunsod ng kayumanggi. Ang Angeles, sabi nga nila, ay pugad ng mga
anghel na hindi makapasok sa sarili nilang langit.
Dalawa lamang ang pinayagang pumasok sa compound. Ako ang
isinama ni Inay. At sa aming pagkakatayo sa init ng araw ay nakadantay sa
magkabila kong balikat ang mga kamay ni Inay.
Huminto ang eroplano. Itinulak ng mga
kayumangging kamay ang isang hagdang bakal sa pintong nakapinid. Bumukas ang
pinto. At sa pagbukas niya’y bumigat ang kamay ni Inay sa balikat ko.
Sa munting pintong iyo’y isa-isa silang
bumaba. Itim. Puti. Kayumanggi. Mga nakauniporme at nakasibilyan. Ang iba’y may
benda sa ulo o sa bisig kaya. Ang iba’y nakasaklay.
Ang iba’y iika-ika. At sa bawa’t isang
bumababa ay lalong humigpit, bumibigat ang mga kamay ni Inay sa aking balikat.
Bumungad si Itay. Ang kaliwang balikat ay nakasampay sa isang metal na saklay.
Ang kaliwang binti’y nababalutan ng puting gasa. Palinga-linga. Ang mga hapong
mata’y naghahanap ng mga mukhang may ngiti sa kanyang pagbabalik.
Kumaway si Inay. At tuluyan nang
napatakbo upang sa muling pagkikita’y muling mahaplos ang mukhang yaon na
pinatanda ng mga taon, upang muling mayapos ang katawang yaon na pinapayat ng
isang panahon. Nang yakapin ng Inay si Itay ay hindi ko marinig ang kanilang
usapan. Subalit alam kong baon-baon ni Itay ang totoong Biyetnam.
Sanggunian: Belvez, Paz M., et al. 2014. Kalinangan
8. Manila:
Rex Book Store, Inc.