Huwebes, Mayo 25, 2017

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II)



MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II)

May mga pangungusap sa wikang Filipino na maikli lamang at walang paksa ngunit may buong diwa. Ang mga pangungusap na ito ay:
a. Kapandiwa – Nagsasaad ito ng katatapos na kilos o pangyayari at kadalasang nagtatapos sa lang/lamang.
Halimbawa:
• Katatapos lang ng tanghalian.
• Kapapanalo lang niya.
b. Pambating panlipunan – Nagsasaad ng magagalang na pananalita o ekspresyon na mahalaga sa pakikipagkapwa-tao.
Halimbawa:
• Maraming salamat po.
• Mabuti naman.
• Tao po.
c. Panawag – Maaari itong iisang salita lamang o pantawag.
Halimbawa:
• Inay!
• Ale!
• Halika!
d. Pandamdam – Nagpapahayag ng matinding damdamin.
Halimbawa:
• Ano ba!
• Alis na!
• Ang ganda!

TUWAANG (Epiko ng mga Bagobo)



TUWAANG
(Epiko ng mga Bagobo)

Narinig na ba ninyo ang kuwento tungkol kay Tuwaang, ang bayani naming mga Bagobo? Kung hindi pa, makinig kayo... makinig kayo... Hayun siya si Tuwaang, nakaupo sa gintong tanghalan. Bigla siyang sumigaw nang ubod-lakas.

“Bai!”

Sa lakas ng kanyang sigaw tila babagsak ang buong bahay. Ngunit ang gawing dulo ng kanyang sigaw ay tila nota ng plawta sa tamis at lambing. Iyan ay sapagkat si Tuwaang, ang bayani naming mga Bagobo, ay hindi karaniwang tao. Siya ay tila isang diyos. Marahang isinisingit ni Bai ang kanyang balikat sa pintuan. Magandang-maganda si Bai. Sa kanyang paglakad ay tumitigil siya sa bawat buko ng sahig. Tila siya kalapating dahan-dahan sa paglakad.

“Bakit mo ako tinawag, anu?”

Hinandugan ni Bai ng hitso ang kapatid. Sabay silang ngumanga.

“May balitang inihatid sa akin ang hangin,” ang sabi ni Tuwaang. “Isang dalaga na may lambong na
dilim ang dumating sa Bayan ng Batooy. Humihingi siya ng tulong.”

Nagmadali si Tuwaang sa pagtungo sa dalagang may lambong na dilim. Hindi siya sumakay sa hangin.

“Kasi, daraan ka pa sa mga punongkahoy sa kabundukan, upang sila’y mamulaklak,” ani Tuwaang sa hangin. Sa halip, sa kidlat siya sumakay.

Simbilis ng kidlat ang pagdating niya sa Bayan ni Batooy. Naroon ang dalagang may lambong na dilim. Hinandugan ng dalaga si Tuwaang ng hitso.

“Eto ang hitso, anu.”

Sabay na ngumanga si Tuwaang at ang dalagang may lambong na dilim.

“Nagalit siya sapagkat hindi ko siya naibigan,” ang sabi ng dalagang taga-Langit ng Buhong.

Bigla-bigla, may narinig silang napakalakas na dagundong. Nakaramdam sila ng napakatinding init.

“Si Higante!” ang sigaw ng dalagang taga-Langit ng Buhong.

Sa isang kisapmata, naglabanan sina Tuwaang at Higante. Sa kanilang kabilisan, tila sila mga tutubing paroo’t parito sa mabilis na paglipad. Malalalim ang bitak sa lupa sa tama ng kanilang mga sibat at itak. Nawasak ang kanilang mga kalasag. Tatangnan na lamang ang natira at sabay nilang itinapon. Pagtama sa lupa, ang mga iyo’y nangaging punongkahoy. Nabali ang kanilang mga sibat. Sabay nilang itinapon. Pagtama sa lupa, ang mga sibat nila’y nangaging punongkahoy. Nabali ang puluhan ng kanilang mga balaraw kaya’t sabay nilang itinapon. Pagtama sa lupa, ang mga iyo’y nangaging punongkahoy. Naubos ang kanilang mga sandata. Naghagisan na lamang sila ng apoy. Kapuwa nagliyab ang kanilang mga damit at katawan.

Iniunat ni Tuwaang ang kanan niyang bisig. Ang apoy sa kanyang damit at katawan ay namatay.

“Hangin! Hangin!” ang tawag ni Tuwaang.
Umihip nang malakas ang hangin. Lumaki ang apoy sa damit at katawan ni Higante. Tumaas nang tumaas ang apoy hanggang sa umabot sa kanyang ulo na kapantay na ng mga ulap.

Lalong lumakas ang paghihip ng hangin. Nabalot na ng nagngangalit na apoy ang buong katawan ni Higante. Mayamaya pa ay natupok na nang lubos si Higante. Pinagmasdan ni Tuwaang si Higante hanggang sa ito’y naging abo. Muling humihip ang hangin at tinangay nito ang bunton ng abo, nakita na lamang ng lahat ang isang halamang namumulaklak.

Talaga naman, ang abo ni Higante ay naging isang magandang halamang namumulaklak.

Hindi nagtagal, si Tuwaang at ang dalagang taga-Langit ng Buhong ay umalis na sa Bayan ng Batooy. Sumakay sila sa kidlat, patungo sa bayan ni Tuwaang. Sinundo nila si Bai, ang kapatid ng bayani. Si Tuwaang, si Bai at ang dalagang taga-Langit ng Buhong ay sama-samang sumakay sa kidlat. Sila’y nagtungo sa Langit ng Katu-san, doon sa pook na walang kamatayan.

At diyan nagtatapos ang kuwento tungkol kay Tuwaang, ang bayani naming mga Bagobo.


Isinaayos ni G. E. Matute
Sanggunian: Belvez, Paz M., et al. 2014. Kalinangan 8. Manila: Rex Book Store, Inc.

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART I)



MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART I)

May mga pangungusap sa wikang Filipino na maikli lamang at walang paksangun it may buong diwa. Ang mga pangungusap na ito ay:
a. Penomenal – Tumutukoy sa mga kalagayan o pangyayaring pangkalikasan o kapaligiran
Halimbawa:
• Napakainit.
• May bagyo.
• Mahangin sa labas.
b. Temporal – Tumutukoy ito sa mga kalagayan o panahong pansamantala o panandalian tulad ng araw, petsa, oras, panahon, o okasyon
Halimbawa:
• Kaarawan niya.
• Gabi na
• Tag-ulan na.
c. Eksistensyal – Tumutukoy ito sa pagkakaroon o wala
Halimbawa:
• Walang isda.
• Marami nang mag-aaral.
• May darating pa.
d. Modal – Nagsasaad ng gusto, nais, ibig, puwede, maaari, dapat, at kailangan.
Halimbawa:
• Gusto ko ng kulay pula.
• Kailangang malinis.
• Puwedeng pumila.

PRINSIPE RODANTE (Komedya o Moro-moro) ni Max Allanigue



PRINSIPE RODANTE
(Komedya o Moro-moro)
ni Max Allanigue

Unang Tagpo
Ang siping ito ay nang magdaos ng torneo para sa kamay ni Florinda.

Ang Torneo
(Magpapaseo ang mga Torneador, martsang mabilis)

Omides: Yayamang tapos na
ang pagpapaseo
At nakatugtog na
ang mga musiko,
Atin nang simulan
ang pagtotorneo,
At ikaw, Rodante,
ang mantenedor ko.

Rodante: O mga gererong
piling panauhin,
Na nangagbuhat pa
sa ibang lupain,
Ang pagtotorneo’y
simulan na natin,
Ang magiging hangga’y
upanding malining.
Si Konde Merkudo
ng Reynong Verona
Ang unang paroon
sa gitna ng plasa.

Merkudo: Ako si Merkudong kinasisilawan
Ng sangkontinente sa pakikilaban,
Sa pikang kipkip ko at espadang tangan,
Dami ng gerero na nangagsigalang!
Ang lalaking itong sa aki’y nangahas
Ay tuturuan kong sa aki’y mangilag,
Kung ang pinagmula’y isang angkang hamak
Di dapat lumahok sa dugong-mataas.

Alvaro: Bago pumagitna, hamak na bilyano,
Magpakilala ka sa tanang narito.

Ramudin: Sa nangalilimping naritong ginoo
Hingi ko’y patawad sa nangyaring ito.
Ang kaliitan ko, O prinsipeng mahal,
Ay iyo na sanang pagpaumanhinan,
Hamak na bilyano itong kalagayan,
Sa tama ay salat at sa karangalan.
Tangi kong puhunan sa torneong ito
Ay pagsintang wagas na di magbabago,
Sa bunying prinsesang sulo ng buhay ko
Liwanag na tanglaw niring pagkatao.
Prinsesa Florinda, ako’y si Ramudin,
Isang dukhang tao’t hamak na alipin,
Sa iyong sanghaya’y walang dalang hain
Maliban sa isang wagas na paggiliw.

Alvaro: (Biglang tatampalin si Ramudin)
Lubha kang pangahas, taksil na bilyano,
Sampu ng prinsesa’y kinakausap mo!

Rodante: (Galit)
Ang iyong inasal, bunying kapatid ko’y
Di dapat sa isang marangal na tao.

Alvaro: Sa ginagawa ko’y huwag makialam!

Rodante: Mantenedor akong dito’y inatasan!

Omides: Alvaro, Rodante, inyo nang tigilan,
Magpakahinahon, huwag mag-alitan.

Rodante: Patawad, Ama ko.

Ramudin: Aking titiisin
Ang sa kay Alvarong ginawa sa akin
Pagka’t kapatid mo’y pinagbigyan ko rin
At di niya natikman ang aking patalim.

Florinda: Lalaking magiting! Ako’y nabibihag
Ng magandang asal at bayaning tikas,
Dini sa puso ko’y tumimo’t sumugat,
ni Kupidong, busog ng pagliyag!

Omides: Ang pagtotorneo’y huwag nang babalamin,
Ang mangaglalaba’y pagitna ngayon din.
(Tugtog at labanan. Magagahis si Merkudo.)

Merkudo: Ako ay suko na, bilyanong Ramudin,
Tigil ang ulos mo’t pagsaksak sa akin…
(Titigil ang laban. Si Merkudo ay ihahatid ni Ramudin sa isang silya.)

Rodante: Bilang mantenedor, dinggin yaring utos:
Si Duke Felino naman ang susunod,
Dito kay Ramudi’y makikipaghamok…

Felino: (Pagigitna)
Atin nang simulan ang pagpapamook!
Sukabang bilyano, tindig mo’y tatagan.
Si Konde Merkudo’y kung nagahis mo man,
Sa mga kaaway ko’y di ka magtatagal
At tatanghalin kang malamig na bangkay.

Ramudin: Kung ako’y sasamaing-palad sa patayan,
Ang buhay ko’y hain sa prinsesang mahal.
(Tugtog at labanan. Maninilapon ang mga espada.)

Felino: Ang mga espada’y yamang nabitiwan,
Pika ang gamitin natin sa labanan.

Ramudin: Marangal na duke, ako’y pumapayag.
(Tuloy ang labanan. Magagahis si Felino.)

Felino: Itigil na natin itong paglalamas,
Mabunying Ramudin, ang hingi ko’y habag.

Ramudin: Atas lang ng laro ang ulos ko’y salag.
(Itigil ang paglalaban.)

Alvaro: Waring malakas ka, palalong bilyano,
Kaya naman ngayo’y ito ang utos ko,
Donato, Pilipo, Isberto, Panopio,
Siya ay lusubi’t pagtulungan ninyo.

Rodante: Ako’y tumututol, O Ama kong mahal,
Ang ganyang gagawi’y di makatarungan,
Gayong nag-iisa ay pagtutulungan,
Isa kontra apat: ano’ng kahulugan?

Florinda: O mahal kong Ina, iyo pong sabihin
Kay Ama na itong laban ay pigilin.

Yolanda: Esposong Omides, ano’t naaatim
Ang ganyang torneong labag sa tuntunin?

Ramudin: Rosang masanghaya, Prinsesa Florinda,
Prinsipe Rodante at Reyna Yolanda,
Ang kaliitan ko’y tumatalagang
Lumaban sa apat kahit nag-iisa.

Omides: Yamang pumapayag ang bilyanong bantog,
Tuloy ang labana’t mga paghahamok…

Florinda: Maghintay, Ramudin, tanggapin yaring handog
Itong bulaklak kong sa dibdib ay tampok.
(Ihahagis ang bulaklak. Daramputin ni Ramudin at idarampi sa mga labi.)

Ramudin: Salamat, Prinsesa, bulaklak mong bigay
Sa tapat ng puso’y aking ilalagay…

Florinda: At kung ang puso mo’y samaing tamaan,
Ang kamatayan mo’y aking kamatayan.

Donato: Tigilan, bilyano, iyang panininta!

Pilipo: Magsisi na ngayo’y katapusan mo na!

Isberto: Higpitan ang hawak sa tangang espada!

Panopio: Atin nang simulan ang pagbabatalya!
(Tugtog at labanan.)

Florinda: (Sa sarili, habang naglalaban.)
Mahabaging Diyos, Iyong alalayan
Si Ramuding irog sa pakikipaglaban,
Ninanais ko pang ako’y masugatan
Kaysa ang sinta kong aking minamahal.
Birheng maawain, masintahing Ina,
Huwag mong payagang masugatan siya,
Bigyan mo ng lakas si Ramuding sinta,
Apat na kalaba’y nang masupil niya.
(Mag-iibayo ang bangis ng labanan.)

Omides: Ang bilyanong ito’y limbas na mistulang
Sumalag ng ulos, magbitiw ng taga,
Sa bilis ng kamay ay lintik na yata
Ang nakakahambing, ako’y humahanga!
(Magagahis ang apat na kalaban ni Ramudin. Titigil ang musika.)
Donato at Pilipo: Bilyanong magiting, kami ay suko na!

Isberto at Panopio: Itigil na natin ang pagbabatalya!

Rodante: Mga torneador, sinuman sa inyong
May nais humarap sa bilyanong ito,
hayo na’t lumabas sa gitna ng kampo
At ipagpatuloy ang pagtotorneo.
(Maghihintay ng sagot si Rodante. Walang kikibo.)
Ano kayong lahat ay natitigilan?
Bakit di sumagot, mga kamahalan?

Isang Torneador: Kami po ay sadyang nahihintakutan.

Ibang mga Torneador: Wala pong katulad ang bilyanong iyan
Sa liksi at lakas, sa tigas at tapang!

Omides: Kung gayon, Ramudin, tagumpay ay iyo.
Mabuhay! Mabuhay! Ipaghiyawan ninyo!

Sanggunian: Sinulat ni Max Allanique at itinanghal noong Nobyembre 1962 ng San Dionisio
Cultural Society ng San Dionisio ParaƱaque, Rizal sa pamamahala ni Dr. Felecidad Mendoza

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II)

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II) May mga pangungusap sa wikang Filipino na maikli lamang at walang paksa ngunit may buong ...