ANG ITINAKWIL
ni Genoveva E. Matute
Sa aming pook, si Mrs. Edita Sodamo ang
may pinakamataas na lipad. Ang asawa niyang dentista ay may mababang-loob,
ngunit walang nagpapagamot sa kanya dahil sa kataasang pananalita ng asawa at
sa nanunukat nitong pagtingin mula ulo hanggang paa ng kapwa.
Sa tatlong anak nila, dalawa ang
naihanap ni Edita ng mga lalaking sa palagay niya ay maipagkakapuri, titulado, at
may maririwasang kabuhayan.
Ang panganay na si Emeline ay
nakaisang-dibdib ng isang manananggol. Ang pangalawang si Emily ay
nakipagtali sa isang matagumpay na mangangalakal. Ang
bunsong si Ethel ay inihahanda ni Mrs. Sodamo
sa bunsong anak ng isang doktor espesyalista na may malaking
bahaging puhunan sa pangunahing pagamutan sa Maynila.
Pinakamaganda sa tatlong magkakapatid
si Ethel. Ngunit kakaiba sa dalawa niyang kapatid, siya ang may sariling
paninindigan. Hindi niya naiibigan ang pakikialam ng ina sa pagpili ng mga nais
niyang manugang.
“Ma,” sabi ni Ethel, isang gabi, “bakit
ninyo ako ipinapartner sa lalaking iyon?”
“Kay Greggie? Bakit, ano’ng reklamo mo
kay Greggie? Magandang lalaki, solong anak, mayaman at patay na patay sa iyo!”
“E, sa kung hindi ko siya gusto, Ma?”
“Ha? Ano pa ang hahanapin mo sa isang
lalaki, aber?”
“Wala na siguro, Ma, maliban sa hindi
siya ang nararamdaman kong gusto ko!”
“At sino ang nararamdaman mong gusto
mo? Ang puppy love mo noon pa? Ang sampung-kahig isang-tuka mong naging kaklase
noong araw? Huwag kang loko, Ethel!”
“Si Ma, kung magsalita! Kaibigan ko
lang si Sinong hanggang ngayon!”
“Kalimutan mo na ang patay-gutom na
iyon. Buksan ang mata mo at isip sa kasalukuyan, gumaya ka sa iyong mga
kapatid!”
“Hindi patay-gutom si Sinong, Ma.
Nakatapos din ng pag-aaral na gaya ko. May trabaho ring...”
“Trabaho? Anong trabaho? Empleyadong
minimum wage? Samantalang si Greggie ay...”
“Alam ko na, Ma,” hadlang ng anak.
“Huwag kang loko, sinasabi ko lang sa
iyo! Mawawalan ka ng ina pag nagkataon!”
“Si Ma naman, kung magsalita!”
Lubusan ang kasiyahan ni Mrs. Sodamo sa
mga anak na sina Emeline at Emily, gayundin sa mga napangasawa nilang
manananggol at mangangalakal. Pati balae at kilalang balae ay madalas sa
malaking bahay ng mga Sodamo.
Hanggang lumipas ang maraming taon.
Hanggang sa aming pook ay lalong nangilag sa kanila ang mga tao.
“Kumusta naman, Balae, ang bunso mo?”
tanong ng ina ng manananggol.
Naglapat ang mga bagang ni Edita
Sodamo.
“Wala akong anak na bunso. Dalawa lang
anak ko!”
“Hindi ba si Ethel ang bunso mo?”
tanong ng isa pa.
Lalong naglapat at tumigas ang kanyang
bagang.
“Wala akong anak na Ethel!”
Naalala ng dalawang nagtanong na si
Ethel nga pala, ang bunso sa magkakapatid ay nag-asawa sa isang “walang-wala.”
Ni hindi nakatuntong sa malaking bahay, mula noon.
“Hindi nagkikita ang mag-ina? At ang
magkakapatid?”
“Talagang hindi! Ang ama lamang yata
ang lihim na nagsasadya sa inuupahang kuwarto ng mag-asawang Ethel at Sinong.”
“Kawawa rin naman, ano?”
“Pasensiya siya! Nasa katre na, lumipat
pa sa sahig na kawayan!”
“Gano’n yatang talaga ang sinasabing
pag-ibig!”
“Siguro nga! Pero sa ‘kin kalokohan
iyon! Biro mo, samantalang masarap na masarap ang buhay ng kanyang mga kapatid,
sagana sa lahat, pati sa alila... siya ay ano?”
“Siya ang lahat: maglaba, magluto,
maglinis ng kuwartong inuupahan, mag-alaga ng anak, maghanapbuhay pa... ay
naku, siyena na iyang pag-ibig!”
“Baka naman inaabut-abutan ng amang dentista...”
“Ano ang iaabot? Wala namang
nagpapagamot sa dentistang iyon... saka sakit din daw ng sakit.”
“Natitiis din naman ni Balae, ano?”
“Ibang klase si Balae e! Matigas pa sa
bato ang kalooban!”
“Pati ba ang manugang natin natitiis
din ang kapatid na bunso?”
“Sa tingin ko kina Emeline at Emily,
wala silang paki... panay lang ang pagpapasarap!”
“Oo nga ano? Kung saan-saan
nagbabakasyon!”
“At kung mamili sa mga supermarket,
walang patumangga!”
“Sunud-sunuran naman kasi mga anak
natin...”
“Magbalik ako sa mag-inang Edit at
Ethel... talaga kayang hindi na magkakabalikan ang mga iyon, ha?”
Mga ilang taon pa ay napapansin nilang
may kakaiba yatang sakit na dumarapo sa kanilang balae. Kinausap nila ang
dentistang si Dr. Sodamo. Ayon dito, napatingnan na raw niya si Edit. Sabi ng
manggagamot ay may Alzheimer’s disease iyon.
“Iyon ba ang tinatawag nating
pag-uulian?”
“Hindi ba mas matindi raw iyon. Hindi
lang nakakalimot. Kung minsa’y nagsisigaw raw na parang bata. Tinatawag ang mga
kasamahang matagal nang nangamatay. Pero may mga lucid moments daw naman.”
Napag-usapan ng mga balaeng babae’t
lalaki ang tungkol sa Alzheimer’s disease. Bagong sakit daw iyon na hindi pa
natutuklasan kung ano ang makagagamot. Parang kanser. May matitindi ang
sumpong, may hindi naman.
Ang dumapo kay Edit Sodamo ay matindi;
bihirang-bihira ang saglit na nakakakilala siya. Ipinasok na siya sa pagamutan,
ngunit nagpilit magpalabas.
Sa bahay, kumuha ang asawa ng special
nurse. Hindi ito nagtagal at nagpaalam pagkatapos ng isang buwan. Pati ang
caretaker na sumunod ay hindi nagtagal.
Sa isang saglit ng malinaw na
pag-iisip, narinig ni Dr. Sodamo na hinahanap ng asawa ang dalawang anak.
“Nasaan si Emeline? Wala ba si Emily?”
Kinausap ng ama ang dalawa.
“Pa,” tutol ni Emeline, “ayoko!
Natatakot ako sa Mama pag sinusumpong. Ikuha mo na lang ng nurse o caretaker at
bayaran mo ng perang ibibigay ko sa iyo!”
“Naku, Pa,” sabi ni Emily, “ngayon pang
magra-round-the-world trip kami ng asawa ko? Saka, hindi ko kayang mag-alaga sa
ganong sakit!”
Kaya ang nagtiyaga na lamang sa
pag-aalaga kay Edit ay ang asawang dentista at ang maminsan-minsang nurse o
caretaker na hindi nagtatagal. Sa minsang pagkikita ng mag-amang dentista at
Ethel ay nabatid ng huli ang tungkol sa karamdaman ng ina.
May nagpaligo kay Edit. Makakapal na
palad marahang nagsabon at nagbanlaw sa kanya. Pinatuyo siya sa maingat na
pagdapyo ng malambot na tuwalya. Yapos siyang inihatid sa hihigan.
Madilim ang kanyang isipan. Pati
paningin. Hindi niya kilala ang nagpaligong iyon sa kanya. Nakatulog siya nang
mahimbing. Kasabay ng kanyang paggising ang saglit ng maliwanag na kaisipan. Kinawayan
niya ang asawang dentista.
“Ikaw ba ang nagpaligo sa akin
kangina?”
“Hindi, Edit.”
“Sino?”
Umiwas ang paningin sa kausap.
“A, e...e...bagong nurse.”
“Iyon sanang palagi ang makuha mo.”
“Aba, oo... oo. Bakit, Edit, nagustuhan
mo ba siya?”
“Oo... mabait e... magaang humaplos ang
kamay... kahit ang kapal ng mga palad.”
Ngunit patuloy ang lupit ng Alzheimer’s
sa kanya. Kung paano patuloy ang araw-araw na pag-aalaga ngayon kay Edit ay
mabait, magaang humaplos ang makapal na palad... ng nurse ba iyon o caretaker?”
At isang araw...
Samantalang binabalot na siya ng
malinis at malambot na tuwalya ng nagpaligo, dinalaw siya ng saglit na liwanag.
“Hindi ka nurse! Ethel?”
Inagaw ng salita ng asawang dentista.
“Walang nurse ang magtatagal dito,
Edit! Si Ethel iyan... at si Sinong! Matagal ka na nilang inaalagaan!”
“Ethel, anak ko!... Anak ko!
Napalungayngay ang maysakit. Yinapos at dinala ni Sinong si Edit sa hihigan.
Humagulgol ng panangis si Edita Sodamo.
“Ethel, anak ko!... Sinong!”
“Huwag kang umiyak, Ma,” at hinalikan
ang pisngi ng ina.
Tinuyo ang kanyang mga luhang
namamalisbis. Binuksan ng dentista ang bintana ng silid ng maysakit. Sabay
pumasok ang sinag ng araw at ang dapyo ng amihan.
Munting tinig ng isang pipit ang
marahang umawit, kapanabay ang sinag ng araw at ang dapyo ng amihan.
“Ma, huwag kang umiyak! Gagaling ka! May awa ang Diyos,
gagaling ka!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento