SAKDAL AT PARUSA
(Duplo)
Ang bahaging ito’y siyang kasukdulan sa duplo. Hango ang
siniping ito sa inihandang duplo ni A. Fernandez noong 1910. Ginamit ang sipi
gayong kumakatawan hindi sa ika-18 dantaon kundi sa ika-20 sa layuning
maipahiwatig man lamang ang daloy ng diwa sa isang duplo. Sa bahaging ito, may
nagsakdal na unang belyako laban sa isang belyaka, na dahilan umano ng
pagkamatay ng ibong alaga ng isang dukeng nagkasakit
dahil
sa pagyaong yaon ng ibon.
Parurusahan na sana ng hari, sa pamamagitan ng palmatoryo
ang belyaka, subalit may lumitaw na ikalawang belyako na nagtanggol sa belyaka,
sa pagsasabing hindi ito ang may-sala kundi iba, na maituturo niya. Saka siya
naglahad ng kanyang sariling layon; ang belyaka’y may utang sa kanya. Ang
gayong sakdal ay napatunayan sa paglilitis.
Hari
(Sa belyaka nakatingin)
Narinig na ninyo ang sumbong
ng isang binatang nagsakdal ng layon,
ako’y hatol naman ang itatalaga,
magbayad ng utang sa taong may habla.
At kung hindi ninyo ito mabayaran
sa isinusumbong na inyong inutang,
ang ihahatol ko: kayo’y parusahan,
papaluin kayo ng dalawang siyam.
(Uutusan ng belyakong nagsakdal)
Hayo’y tuparin mo hatol kong talaga:
belyaka’y paluin at bigyang-parusa,
sa dalawang siyam at wala nang iba,
kulungin ay huwag, huwag magbabawa…
Belyakong Nagsakdal
(Titindig at lalapit sa belyaka.)
Ipagpatawad mo ang aking paglapit,
Pagtupad sa hatol ng punong lumitis
Sa nagawang sala’t utang sa pag-ibig,
Na di binayaran ng tapat na dibdib.
Kung sa bagay, sadyang isang kataksilan
na papagdusahin ang iyong kariktan,
yaong si kupido’y lumuluhang tunay
at dahil sa hapis ay hinihintay.
Walang paglulanan ang kipkip na habag,
habag sa parusang sa iyo ay gawad;
ano ang gagawin, ako’y tumutupad
nang dibdib ko’t puso ay halos mawalat.
Kaya ang kamay mo sana ay iabot
sa inuutusang kapalara’y kapos…
Belyaka
(Ilalahad ang palad.)
Ako sa parusa’y kusang sumusunod,
kung talagang hatol: tuparin ang utos…
Belyakong Nagmamasid
Tigil ang pagpalo ng pusong may galit
sa isang bulaklak na hulog ng langit:
ang lahat ng nimpa halos ay tumangis
at pati ng puso ngayo’y nanginginig.
Nasaan ang iyong habag at paggalang
sa mga bulaklak ng irog ng bayan!
ano’t iyang puso ay labis ang tibay
sa pagdurusahing walang kasalanan?
Hindi ko matiis na tunghan ng mata
na ang binibini ngayon ay magdusa;
ako’y naririto at natatalaga,
katawan at buhay sa iparurusa.
Kung sa bagay, ako’y walang karapatang
mag-usig sa sala ng parurusahan,
datapwa’t ang puso ay walang itagal
kundi ang matuwid ay ipasanggalan.
Totoo marahil na ang naging sala
ay pagpapahirap ng kaniyang ganda,
siyang naging sanhi ng taglay mong
duda,
siya ring papatid sa tangang hininga.
Nguni, di magiging isang kasalanan
ng isang dalaga ang ikaw’y magdamdam.
sa kaniyang anyo’y wala siyang malay,
ano’t di sabihin ang sintang sinimpan?
Kapagdaka ngayon nang iyong mamalas
ay pararatangan ng salang mabigat,
parurusahan pa ang kahabag-habag,
hindi man nilitis, hinatula’t sukat…
Kayo ay matakot, dapat panginigan,
sa hatol na walang mga katuwiran,
lalo sa mahinhin’t sawing paraluman,
walang tagatanggol sa hampas ng buhay.
Ang isang bulaklak na kagaya nito,
walang iwing lakas kundi yaong bango,
panong pagmamatwid, patunay ay pano,
tangi sa asiwa ay babaing tao?
Kayo’y may sarili’t buong kakayahan,
marunong, malakas at sakdal ng yaman,
ang isang kawawa’y pagkakaisahang
hatula’t ilugmok sa kapighatian.
Ang dakilang aral ay isaalaala
niyong Mananakop nang nabubuhay pa,
sa Ebanghelyo ay inyong mababasa:
huwag parusahan yaong walang sala.
At saka ang awa’y huwag lilimutin
at sa kapwa-tao’y walang tatangiin:
gayundin sa kulay: maputi’t maitim,
sinuman ay walang sukat pahigitin.
Ngayon ay kaiba yaring namamalas,
wala nang apihin kundi ang mahirap;
kahit may matuwid, pinupuwing agad,
ang kapangahasa’y sa yaman at lakas.
Kaya napilitang nahabag ang dibdib
sa parurusahang himala ng dikit,
kalapastanganan ang magbigay-sakit
sa isang luningning na buhat sa langit.
Belyakong Nagsakdal
Kararahan kayo niyang pangungusap
na labis ng hapdi at sa ami’y gawad,
gawang pamumusong ay di hinahangad,
pagkatao ko na’t sa mundo’y mamulat.
Itong pagsasakdal na aking ginawa
laban sa bulaklak na kahanga-hanga
ay hindi sa galit, hindi rin sa kutya,
kundi sa simbuyo ng pusong tinudla.
At isang pagsubok na pagpaparamdam
sa tinitiis kong mga kahirapan,
hirap sa pagsintang kikitil sa buhay
buhat ng makita ang kaniyang kariktan…
(Sa belyaka’y lalapit.)
Sa aking pagganap sa pagpaparusa
ay sa adhikaing ikaw’y bigyang-sala;
nais ko’y ihibik sa mahal mong ganda
ang subyang ng pusong bihag ng
pagsinta.
Ipagpatawad mo yaring kakulangan
sa pagkakamali’t mga pagbibintang:
upang makabayad ang sawing katawan,
itarak sa dibdib iyang iyong punyal.
Yayamang wala nang ligaya ang dibdib,
at nihag sa puso ay utos ng galit,
mabuti pa ngayon, buhay ko’y mapatid
sa harap ng aking tanging iniibig.
Belyaka
Ako’y walang kaya at sukat iganap
at wala ring pusong nilikha sa tigas
kahit na dinusta ang abo kong palad,
ako’y magtitiis, datapwa’t… patawad!
Patawad sa iyong mithi’t kahilingan
na ako ay siyang bumihag sa buhay
hanggang dito’y sukat at iyong
hanggahan
hibik mong pagsinta’y ipaibang araw.
Belyakong Nagsakdal
Kung ganito, ako’y nagpasasalamat
sa huling pangakong iyong kabibigkas,
salamat at yaring pusong naghihirap
ay may panahon pang magkakaliwanag.
Ipagpaumanhin ang lahat ng bagay
at ako sa inyo ay magpapaalam,
huwag ipagkait iabot ang kamay
dini sa aalis na lingkod na tunay.
(Makikipagkamay sa belyaka, ang
belyako’y
yuyukod sa hari.)
Yamang naganap na at aking natupad
ang layon ng pusong sa ganda’y nabihag,
mahal naming Hari, maraming salamat,
mag-utos kang muli sa iyong alagad.
Hari
Salamat sa inyo
belyaka’t belyako,
tapos ang nagbayo
dala pati halo.
Halaw
sa: Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog ni Julian Cruz Balmaceda, pp. 37–38
Surian ng Wikang Pambansa, 1947
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento