Huwebes, Mayo 25, 2017

TUWAANG (Epiko ng mga Bagobo)



TUWAANG
(Epiko ng mga Bagobo)

Narinig na ba ninyo ang kuwento tungkol kay Tuwaang, ang bayani naming mga Bagobo? Kung hindi pa, makinig kayo... makinig kayo... Hayun siya si Tuwaang, nakaupo sa gintong tanghalan. Bigla siyang sumigaw nang ubod-lakas.

“Bai!”

Sa lakas ng kanyang sigaw tila babagsak ang buong bahay. Ngunit ang gawing dulo ng kanyang sigaw ay tila nota ng plawta sa tamis at lambing. Iyan ay sapagkat si Tuwaang, ang bayani naming mga Bagobo, ay hindi karaniwang tao. Siya ay tila isang diyos. Marahang isinisingit ni Bai ang kanyang balikat sa pintuan. Magandang-maganda si Bai. Sa kanyang paglakad ay tumitigil siya sa bawat buko ng sahig. Tila siya kalapating dahan-dahan sa paglakad.

“Bakit mo ako tinawag, anu?”

Hinandugan ni Bai ng hitso ang kapatid. Sabay silang ngumanga.

“May balitang inihatid sa akin ang hangin,” ang sabi ni Tuwaang. “Isang dalaga na may lambong na
dilim ang dumating sa Bayan ng Batooy. Humihingi siya ng tulong.”

Nagmadali si Tuwaang sa pagtungo sa dalagang may lambong na dilim. Hindi siya sumakay sa hangin.

“Kasi, daraan ka pa sa mga punongkahoy sa kabundukan, upang sila’y mamulaklak,” ani Tuwaang sa hangin. Sa halip, sa kidlat siya sumakay.

Simbilis ng kidlat ang pagdating niya sa Bayan ni Batooy. Naroon ang dalagang may lambong na dilim. Hinandugan ng dalaga si Tuwaang ng hitso.

“Eto ang hitso, anu.”

Sabay na ngumanga si Tuwaang at ang dalagang may lambong na dilim.

“Nagalit siya sapagkat hindi ko siya naibigan,” ang sabi ng dalagang taga-Langit ng Buhong.

Bigla-bigla, may narinig silang napakalakas na dagundong. Nakaramdam sila ng napakatinding init.

“Si Higante!” ang sigaw ng dalagang taga-Langit ng Buhong.

Sa isang kisapmata, naglabanan sina Tuwaang at Higante. Sa kanilang kabilisan, tila sila mga tutubing paroo’t parito sa mabilis na paglipad. Malalalim ang bitak sa lupa sa tama ng kanilang mga sibat at itak. Nawasak ang kanilang mga kalasag. Tatangnan na lamang ang natira at sabay nilang itinapon. Pagtama sa lupa, ang mga iyo’y nangaging punongkahoy. Nabali ang kanilang mga sibat. Sabay nilang itinapon. Pagtama sa lupa, ang mga sibat nila’y nangaging punongkahoy. Nabali ang puluhan ng kanilang mga balaraw kaya’t sabay nilang itinapon. Pagtama sa lupa, ang mga iyo’y nangaging punongkahoy. Naubos ang kanilang mga sandata. Naghagisan na lamang sila ng apoy. Kapuwa nagliyab ang kanilang mga damit at katawan.

Iniunat ni Tuwaang ang kanan niyang bisig. Ang apoy sa kanyang damit at katawan ay namatay.

“Hangin! Hangin!” ang tawag ni Tuwaang.
Umihip nang malakas ang hangin. Lumaki ang apoy sa damit at katawan ni Higante. Tumaas nang tumaas ang apoy hanggang sa umabot sa kanyang ulo na kapantay na ng mga ulap.

Lalong lumakas ang paghihip ng hangin. Nabalot na ng nagngangalit na apoy ang buong katawan ni Higante. Mayamaya pa ay natupok na nang lubos si Higante. Pinagmasdan ni Tuwaang si Higante hanggang sa ito’y naging abo. Muling humihip ang hangin at tinangay nito ang bunton ng abo, nakita na lamang ng lahat ang isang halamang namumulaklak.

Talaga naman, ang abo ni Higante ay naging isang magandang halamang namumulaklak.

Hindi nagtagal, si Tuwaang at ang dalagang taga-Langit ng Buhong ay umalis na sa Bayan ng Batooy. Sumakay sila sa kidlat, patungo sa bayan ni Tuwaang. Sinundo nila si Bai, ang kapatid ng bayani. Si Tuwaang, si Bai at ang dalagang taga-Langit ng Buhong ay sama-samang sumakay sa kidlat. Sila’y nagtungo sa Langit ng Katu-san, doon sa pook na walang kamatayan.

At diyan nagtatapos ang kuwento tungkol kay Tuwaang, ang bayani naming mga Bagobo.


Isinaayos ni G. E. Matute
Sanggunian: Belvez, Paz M., et al. 2014. Kalinangan 8. Manila: Rex Book Store, Inc.

1 komento:

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II)

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II) May mga pangungusap sa wikang Filipino na maikli lamang at walang paksa ngunit may buong ...