Martes, Mayo 23, 2017

DALAWANG MUKHA NG SIYENSIYA

DALAWANG MUKHA NG SIYENSIYA
ni Armando F. Kapuan

Napakaingat na tao ng mga siyentipiko. Kapag nais nilang suriin ang isang bagay, sinisikap nilang ibukod hangga’t maaari ang sistemang ito at gawin itong napakasimple hangga’t makakaya. Ideal sa siyensiya na ibukod ang mga paisa-isang epekto ng mga paisa-isang kadahilanan.

Sa kasamaang-palad, bihirang-bihirang tumakbo sa ganitong ideal na antas ang kalikasan. Ang mga simple’t pang-araw-araw na bagay ay kombinasyon ng maraming nag-uugnayang kadahilanan at nang sa gayon din karami’t kasalimuot na nag-uugnayang epekto. Sa isang likas na bagay, tulad ng ulan, na wari’y nagaganap nang di kinasasangkutan ng tao, hindi natin ito gaanong iniintindi. Ngunit tayo’y nababahala kapag ang mga aktibidad ng tao ay tuwirang umimpluwensiya at tuwirang naiimpluwensiyahan ng isang likas na penomenon (lalo na’t pang-ekonomiya ang mga aktibidad na ito). Halimbawa ng ganitong penomenon ang mabilis na paglago ng nilad (water lily) sa ibabaw ng Laguna de Bay. Sa maraming lugar sa paligid ng lawa, biglang nahinto ang pangingisda sapagkat natabunan na ang lawa ng makapal na halamang tatlong piye sa ibabaw at ilan pang piye sa ilalim. Dahil sa labis na kapal nito’y hindi man lamang mailunsad mula sa pampang ang mga bangka ng mangingisda. Makakita man ang mga mangingisda ng puwang na may tubig na mapaghahagisan ng lambat, ang biglang bugso ng hangin ay mabilis na tumatangay sa nakapaligid na nilad upang pumulupot na tumatangay sa lambat. Napakalubha ng nagiging epekto nito sa kabuhayan. Bumaba na ang kita ng mga taong umaasa sa pangingisda sa lawa. Dahil dito’y hindi mabayaran ang mga inutang para sa kagamitan sa pangingisda at ang buhay nila’y naging sangkahig-sangtuka na lamang.

Sa problema ng environmental pollution o pagpaparumi sa kapaligiran, kapansinpansin kung paanong ang magagandang intensiyon sa isang larangan ay nagkakaroon ng masasamang epekto sa iba namang larangan. Ang paglikha sa mga sabong panlinis (na nagkakataong nababase sa petrolyo tulad ng karamihan sa mga modernong kemikal) ay itinuturing na napakabuting bagay at humantong sa paggamit dito sa halos lahat na ng “modernong” pook-tahanan ng mga tao. Subalit upang umubra, ang mga pormula na sabon sa kailangang gumamit ng napakaraming aditibong phospate. Sapagkat ang sabong pampaligo at panlinis ay ginagamitan ng tubig, sapagkat karaniwang itinatapon ang gamit ng tubig, lumaki nang lumaki ang konsentrasyon ng phospate sa mga batis, ilog, at lawa, kasabay ng paggamit ng sabon.

Ang phospate (kasama ang nitrate) ay mahalagang bahagi ng pagkain ng mga halamang tubig at ang pagdami ng sustansiyang ito ang dahilan ng pagkapal ng mga organismong ito hanggang sa yaong mga tubigan na dati’y bumubuhay sa maliit at matatag na populasyon ay naging mga berdeng sopas at may panahong taon-taong namamatay at bumabaho. Ang ganitong pagpapataba sa pamamagitan ng sustansiya na humahantong sa “pamumukadkad ng alga” ang isa sa pangunahing sanhi ng pagtanda ng mga tubigan o
yaong tinatawag na eutropikasyon.

Bukod sa pagbaba ng kalidad ng tubig (ang tubig na may alga ay hindi maiinom, salain man) ang eutropikasyon ay makaaambag pa sa mga pangyayaring nakasisira sa kabuhayan, tulad nitong nakaraang pagkamatay ng isda sa mga baklad sa Laguna.

Makikita ang pagdadalawang-mukha ng siyensiya sa naganap sa Laguna. May pagsisikap na makagawa ng kabutihan—pag-unlad sa pamamagitan ng siyensiya. Subalit sa halip na kabutihan ang idulot ng siyensiya, ang di-inaasahang epekto ay kapahamakan.

Mangyari pa, iba ito sa buktot na tendensiyang sinasadya man o hindi ay may layong makapinsala sa pasimula pa man. Napakaraming negosyante ang sa kasamaang-palad ay nasa kategoryang ito. May mga masisibang may-ari ng trosohan na kumakalbo sa mga bundok, mga nanghuhuli ng balyena na halos nakalipol na sa ilang uri ng balyena, mga tagamanupaktura ng kemikal na nakalason na sa kilo-kilometrong ilog at ekta-ektarya ng lupang agrikultural.

Ang nakapanghihinayang sa pagdadalawang-mukha ng siyensiya ay ang bagay na tunay na nagsisikap makagawa nang mabuti ang mga taong kasangkot sa iba’t ibang aktibidad kaugnay nito. Kaya’t inihihimatong man ng maingat na pagsusuri na maaaring makalikha ng pinsala, mahirap na ring maneutralisa ang kanilang marubdob na pagsisikap “Papanong kakalabanin mo ang mas malawak na empleyo, mas malaking produksiyon ng bigas. Mas mataas na GNP?”

Papaano haharapin ng mga siyentipiko ang ganitong pangyayari? Ano ang kailangan upang ito’y maunawaan? Ano ang ating magagawa tungkol dito?

Nitong nagdaang panahon, maraming siyentipiko ng kalikasan ang nagpapalagay na dapat tayong gumamit hindi lamang ng utak sa pagharap sa napakakumplikadong mga sistema (tulad ng problema ng eutropikasyon), gaya ng paggamit natin hindi lamang ng lakas ng masel upang gampanan ang ating aktibidad. Dapat nating harapin ang tunay na masalimuot na kalagayan ng mga likas na penomena, sapagkat ang siyentipikong ideal ang pagbubukod at simplikasyon ay hindi uubra sa ganitong larangan. Ngunit upang
makapagtrabaho man lamang sa ganitong kapaligiran na wika ng isang siyentipiko ay “magulo,” hindi maaaring “utak lamang” ang gagamitin. Ang ganitong larangan ay siyentipikong pagsisikap ay hindi pa lubos na kilala at nasaliksik sa bayang ito.



8 komento:

  1. Maaring hindi lamang utak ang ating pairalin pag ganitong sitwasyon na ang ating kinakaharap. Pairalin natin ang pagkakaisa para masolusyonan ang mga bagay na hindi magagawa ng nag-iisa.

    TumugonBurahin
  2. Dapat tayong magtulungan, gawin natin ito nang pagkakaisa para mapabuti ang ating kapaligiran. Maaari natin ikalat ang magandang gawaing ito para makita nila at gawin rin ito sa kanilang mga pook. Madadagdagan ang tulong sa atin o para sa ating kapaligiran, na mas magiging maunlad.

    TumugonBurahin
  3. Maganda ang dulot ng siyensiya sa buhay ng tao ngunit huwag itong pabayaan na masira ang ating kalikasan.hindi masama ang umunlad basta alam natin ang ating limistasyon sa paggamit ng mga makabagong ambag ng teknolohiya.Isipin ang kapakanan ng nakararami hindi ang pansariling interes.-ALBERT CARANTO CORTES

    TumugonBurahin
  4. bakit naging problema ng mga mangingisda ang paglago ng nilad o water lily?

    TumugonBurahin
  5. Pa boud po niyan plss po asap 🙏

    TumugonBurahin
  6. Magbigay ng hinuha sa nais ipahiwatig ng sanaysay na ating nabasa sa "dalawang mukha ng siyensiya"

    TumugonBurahin
  7. bakit naging problema ng mga mangingisda ang paglago ng nilad o water lily?

    TumugonBurahin

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II)

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA (PART II) May mga pangungusap sa wikang Filipino na maikli lamang at walang paksa ngunit may buong ...