DALAWANG MUKHA NG SIYENSIYA
ni Armando F. Kapuan
Napakaingat na tao ng mga siyentipiko.
Kapag nais nilang suriin ang isang bagay, sinisikap nilang ibukod hangga’t
maaari ang sistemang ito at gawin itong napakasimple hangga’t makakaya. Ideal
sa siyensiya na ibukod ang mga paisa-isang epekto ng mga paisa-isang kadahilanan.
Sa kasamaang-palad, bihirang-bihirang
tumakbo sa ganitong ideal na antas ang kalikasan. Ang mga simple’t
pang-araw-araw na bagay ay kombinasyon ng maraming nag-uugnayang kadahilanan at
nang sa gayon din karami’t kasalimuot na nag-uugnayang epekto. Sa isang likas
na bagay, tulad ng ulan, na wari’y nagaganap nang di kinasasangkutan ng tao,
hindi natin ito gaanong iniintindi. Ngunit tayo’y nababahala kapag ang mga aktibidad
ng tao ay tuwirang umimpluwensiya at tuwirang naiimpluwensiyahan ng isang likas
na penomenon (lalo na’t pang-ekonomiya ang mga aktibidad na ito). Halimbawa ng ganitong
penomenon ang mabilis na paglago ng nilad (water lily) sa ibabaw ng Laguna de
Bay. Sa maraming lugar sa paligid ng lawa, biglang nahinto ang pangingisda
sapagkat natabunan na ang lawa ng makapal na halamang tatlong piye sa ibabaw at
ilan pang piye sa ilalim. Dahil sa labis na kapal nito’y hindi man lamang mailunsad
mula sa pampang ang mga bangka ng mangingisda. Makakita man ang mga mangingisda
ng puwang na may tubig na mapaghahagisan ng lambat, ang biglang bugso ng hangin
ay mabilis na tumatangay sa nakapaligid na nilad upang pumulupot na tumatangay
sa lambat. Napakalubha ng nagiging epekto nito sa kabuhayan. Bumaba na ang kita
ng mga taong umaasa sa pangingisda sa lawa. Dahil dito’y hindi mabayaran ang
mga inutang para sa kagamitan sa pangingisda at ang buhay nila’y naging
sangkahig-sangtuka na lamang.
Sa problema ng environmental pollution
o pagpaparumi sa kapaligiran, kapansinpansin kung paanong ang magagandang
intensiyon sa isang larangan ay nagkakaroon ng masasamang epekto sa iba namang
larangan. Ang paglikha sa mga sabong panlinis (na nagkakataong nababase sa
petrolyo tulad ng karamihan sa mga modernong kemikal) ay itinuturing na
napakabuting bagay at humantong sa paggamit dito sa halos lahat na ng “modernong”
pook-tahanan ng mga tao. Subalit upang umubra, ang mga pormula na sabon sa
kailangang gumamit ng napakaraming aditibong phospate. Sapagkat ang sabong pampaligo
at panlinis ay ginagamitan ng tubig, sapagkat karaniwang itinatapon ang gamit ng
tubig, lumaki nang lumaki ang konsentrasyon ng phospate sa mga batis, ilog, at
lawa, kasabay ng paggamit ng sabon.
Ang phospate (kasama ang nitrate) ay
mahalagang bahagi ng pagkain ng mga halamang tubig at ang pagdami ng
sustansiyang ito ang dahilan ng pagkapal ng mga organismong ito hanggang sa
yaong mga tubigan na dati’y bumubuhay sa maliit at matatag na populasyon ay
naging mga berdeng sopas at may panahong taon-taong namamatay at bumabaho. Ang
ganitong pagpapataba sa pamamagitan ng sustansiya na humahantong sa
“pamumukadkad ng alga” ang isa sa pangunahing sanhi ng pagtanda ng mga tubigan
o
yaong tinatawag na eutropikasyon.
Bukod sa pagbaba ng kalidad ng tubig
(ang tubig na may alga ay hindi maiinom, salain man) ang eutropikasyon ay
makaaambag pa sa mga pangyayaring nakasisira sa kabuhayan, tulad nitong
nakaraang pagkamatay ng isda sa mga baklad sa Laguna.
Makikita ang pagdadalawang-mukha ng
siyensiya sa naganap sa Laguna. May pagsisikap na makagawa ng
kabutihan—pag-unlad sa pamamagitan ng siyensiya. Subalit sa halip na kabutihan
ang idulot ng siyensiya, ang di-inaasahang epekto ay kapahamakan.
Mangyari pa, iba ito sa buktot na
tendensiyang sinasadya man o hindi ay may layong makapinsala sa pasimula pa
man. Napakaraming negosyante ang sa kasamaang-palad ay nasa kategoryang ito.
May mga masisibang may-ari ng trosohan na kumakalbo sa mga bundok, mga nanghuhuli
ng balyena na halos nakalipol na sa ilang uri ng balyena, mga tagamanupaktura
ng kemikal na nakalason na sa kilo-kilometrong ilog at ekta-ektarya ng lupang
agrikultural.
Ang nakapanghihinayang sa
pagdadalawang-mukha ng siyensiya ay ang bagay na tunay na nagsisikap makagawa
nang mabuti ang mga taong kasangkot sa iba’t ibang aktibidad kaugnay nito.
Kaya’t inihihimatong man ng maingat na pagsusuri na maaaring makalikha ng
pinsala, mahirap na ring maneutralisa ang kanilang marubdob na pagsisikap “Papanong
kakalabanin mo ang mas malawak na empleyo, mas malaking produksiyon ng bigas.
Mas mataas na GNP?”
Papaano haharapin ng mga siyentipiko
ang ganitong pangyayari? Ano ang kailangan upang ito’y maunawaan? Ano ang ating
magagawa tungkol dito?
Nitong nagdaang panahon, maraming
siyentipiko ng kalikasan ang nagpapalagay na dapat tayong gumamit hindi lamang
ng utak sa pagharap sa napakakumplikadong mga sistema (tulad ng problema ng
eutropikasyon), gaya ng paggamit natin hindi lamang ng lakas ng masel upang
gampanan ang ating aktibidad. Dapat nating harapin ang tunay na masalimuot na
kalagayan ng mga likas na penomena, sapagkat ang siyentipikong ideal ang
pagbubukod at simplikasyon ay hindi uubra sa ganitong larangan. Ngunit upang
makapagtrabaho man lamang sa ganitong kapaligiran na wika ng
isang siyentipiko ay “magulo,” hindi maaaring “utak lamang” ang gagamitin. Ang
ganitong larangan ay siyentipikong pagsisikap ay hindi pa lubos na kilala at
nasaliksik sa bayang ito.
Maaring hindi lamang utak ang ating pairalin pag ganitong sitwasyon na ang ating kinakaharap. Pairalin natin ang pagkakaisa para masolusyonan ang mga bagay na hindi magagawa ng nag-iisa.
TumugonBurahinDapat tayong magtulungan, gawin natin ito nang pagkakaisa para mapabuti ang ating kapaligiran. Maaari natin ikalat ang magandang gawaing ito para makita nila at gawin rin ito sa kanilang mga pook. Madadagdagan ang tulong sa atin o para sa ating kapaligiran, na mas magiging maunlad.
TumugonBurahinHi
TumugonBurahinMaganda ang dulot ng siyensiya sa buhay ng tao ngunit huwag itong pabayaan na masira ang ating kalikasan.hindi masama ang umunlad basta alam natin ang ating limistasyon sa paggamit ng mga makabagong ambag ng teknolohiya.Isipin ang kapakanan ng nakararami hindi ang pansariling interes.-ALBERT CARANTO CORTES
TumugonBurahinbakit naging problema ng mga mangingisda ang paglago ng nilad o water lily?
TumugonBurahinPa boud po niyan plss po asap 🙏
TumugonBurahinMagbigay ng hinuha sa nais ipahiwatig ng sanaysay na ating nabasa sa "dalawang mukha ng siyensiya"
TumugonBurahinbakit naging problema ng mga mangingisda ang paglago ng nilad o water lily?
TumugonBurahin