OKEY SA ‘YO SI ERIC, ‘TAY?
ni Pat Villafuerte
“Okey lang,” sabi niya sa sarili. “Sino
ba si Eric? Nobyo lang na hanggang ngayo’y nagdedepende pa rin sa magulang.
Okey lang.”
Naghihimagsik ang kanyang damdamin.
Parang sasabog ang kanyang dibdib. A, kung mapaghihingahan lamang niya ng sama
ng loob ang mga libro. Kung malulutas lamang ng psychology books ang kanyang
suliranin.
Mangyari kahit anong pag-iwas ang
kanyang gawin, si Eric pa rin ang laman ng kanyang isipan. Kahit ngayongnasa
library siya. Wala sa sariling tinitigan ang hilera ng mga libro sa kabinet.
Kanina’y memoryado niya ang call number ng librong hinahanap. Mangyari’y
makalawang ulit na siyang nagpabalik-balik sa card catalogue. Isinulat sa
kapirasong papel ang call number, ang pamagat ng libro at ang may-akda.
Minemorya. Pero nang malingunan kanina si Eric, kinabahan. Namutla. Di
makatinag. Matigas ang leeg na itinuon ang paningin sa hilera ng mga libro. Nasa
likuran niya si Eric, at sa minsang paggalaw niya, presto! A, bakit ba ganoon?
Kung sino ang iniiwasan mo ay siya mong nakikita. Brag! Nahulog ang hawak niyang
libro. Di naman niya makuhang pulutin. Baka lumingon si Eric.
“Gie!” tawag mula sa kanyang likuran.
Kilala niya ang tinig. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Bago nakaiwas, nasa
harapan na niya si Eric. Iniabot ang nahulog na aklat.
“Namatanda ka ba? Naengkanto? Why don’t
you speak up?” Hinahabol ni Eric ang paghinga. “Ang labo mo naman, Gie, library
‘to. Puwede mo naman akong kausapin, di ba?”
Napalakas ang tinig ni Eric.
K-R-I-N-G! Bell iyon ng librarian.
Napalingon sila sa mesa ng istriktong puno ng library. Itinuro ng librarian ang
malaking sign board: SILENCE!
Napahiya wari, nagkatinginan sila. Si
Gie ang unang umiwas. Pilit iniiwas ang mukha sa binata. Dati-rati sa ganoong
pagkakataon, lalo nilang iniinis ang masungit na librarian. Naroong magsenyasan
sila na animo mga piping nag-uusap. O di naman kaya’y tutop ng kaliwang palad
ang kanilang bibig hanggang sa sila’y umalis. At sa labas, sabay silang magtatawanan.
Pero ngayon, parang pinitpit na luya si Gie. Walang kibo, isang bakol pa ang mukha.
A, kabisado na niya ang dalaga. Ang pagmamaktol nito’y nangangahulugang galit sa
kanya si Gie.
“Huwag mo namang sirain ang araw ko,
Gie. Nag-top pa naman ako kangina sa Chemistry. Kung galit ka, sabihin mo,”
garal ang tinig ni Eric. “Nainsulto ka ba ng sulat ko? Di mo matanggap ang
Taglish na nakayanan ko? Alam kong English ang major mo. Anong magagawa ko?
Math ang linya ko. At least, nasabi ko ang nasa loob nito,” sabay turo sa kaliwang
dibdib.
“Walang anuman ang pinagkakaganito ko.
Nakatutulala lang kasi ang mga isinulat mo,” ang sagot niya.
“Akala mo ba’y ganoon lang kadali ang
hinihiling mo?” “Pero di ka galit?”
“Hindi,” agap niyang sagot.
“Talaga?”
“Ang kulit mo naman. Ito’ng katibayan,”
sabi ni Gie.
Bahagya niyang itinaas ang kanang kamay
na abot balikat. Tuwid ang mga daliring animo nanunumpa. Talagang mapapasigaw
si Eric sa malaking tuwa. Bigla, napalingon siyang muli sa librarian.
Nagkibit-balikat. Matamlay siyang kumakain. Napansin ito ng kanyang ina. “May
dinaramdam ka ba, Gie?” may pag-aalinlangang tanong.
Umiling lang siya.
“Problema?”
Napatingin siya sa ina. Napatango.
“Baka matulungan kita.”
“Kaya ko pa, ‘Nay,” basag ang kanyang
tinig.
Nagkulong siya sa silid. Naupo sa gilid
ng kama. Kinuha ang larawan ni Eric sa ibabaw ng tokador. Hinimas-himas.
Hinagkan-hagkan. Naalala niya ang mga pagpapahayag ni Eric sa sulat. Matapat
ang bawat kataga. Malaman. Punung-puno ng pag-ibig. Pero may matinding
pagnanasa. Sa kabilang panig ng dinding ay naroon naman ang larawan ng kanyang
ama.
Tandang-tanda niya ang nakasulat sa
likod nito. Everdearest daughter, at _ fteen, you’re too old to fall in love
but young to plan a married life. Itay. Pinapirmahan pa niya ito sa ama bago
ikinuwadro’t isinabit sa dinding.
Noong una niyang mabasa ang dedication,
napatawa siya. “Ang corny n’yo naman, Tay. Ang daming quotations na makokopya
sa libro, nagtiyaga pa kayong gumawa ng orihinal.”
“Corny ngayon sa ‘yo, pero ilang taon pa’y poproblemahin
mo,” sagot ng kanyang ama.
Eighteen na siya ngayon. Tatlong taon
pagkaraang sumakamay niya ang larawan. A, nagbibig-anghel ang kanyang ama. May
kumakatok sa kanyang silid. Dagli, itinago niya ang larawan ni Eric sa ilalim
ng unan. Bumungad ang masayang mukhang pinaganda ng dalawang malalalim na
biloy.
“May problema raw ang prinsesa kong
mahal,” bungad ng kanyang ama. Mangumpisal na at pag kaya kong lutasin ay
maipag-bake mo ako.” “Ipagbe-bake ko na lang kayo, ‘Tay. Not serious naman, e.
di pa pang-mental!”
“Tungkol saan?”
“Wala, ‘Tay,” nakangiting tugon sa ama.
“Allowance?”
“Nope!”
“Studies?”
“Of course, not. Scholar ‘ata ang bunso
ninyo,” sabay irap.
“Bagong damit, sapatos…?”
“Lalong hindi. Aanhin ko ba ‘yan? Di ba
naman ninyo ako pinapayagang dumalo sa party.”
“I give up. Di naman puwedeng tungkol
sa iyong love life dahil alam kong mabait kang bata. Isa pa, kung tungkol diyan
ay nasabi ko sa iyong sarilinin mo. I’m fed up. Di kaila sa iyo ang ginawa ng
Ate Liza mo. Nagtanan ng sixteen, nag-anak ng seventeen, nakipaghiwalay ng
nineteen. Busog naman sa pangaral,” napabuntunghininga ang kanyang ama. “Huwag na
sanang maulit pa, Gie. Ikaw ang huling pag-asa.” Bukas ang electric fan pero
parang kinukoryente ang buo niyang katawan. Tumagos hanggang sa kaliit-liitang
himaymay ang sinabi ng kanyang ama.
“Pumikit ka. May gamot ako sa problema
mong di mahulaan,” sabi ng kanyang ama. Pumikit siya. Kapag may problema siya’y
lagi nang may “pakulo” ang kanyang ama. Nagkukuwento ito ng nakatatawang
pangyayari. O kung di ma’y pinasasalubungan siya ng mani o butong pakwan na
gustung-gusto niyang kutkutin habang nagre-review sa gabi
“Chocolate, ‘Tay? Stateside pa,”
bumulaga sa kanyang pagdilat. “Saan galing, ‘Tay? Don’t tell me, nagbebenta
kayo ng PX goods,. Isusumbong ko kayo sa boss ninyo.” Karaniwang mensahero
lamang ang kanyang ama sa isang booking office. “May nagregalo sa ‘kin, Kano. Nagpatulong
buhatin ang ilang kahong idiniliber sa opisina,” sagot ng kanyang ama. “Bukod diyan,
inabutan pa ‘ko ng beinte. O, idagdag mo sa allowance mo.” Ibig niyang tanggihan.
Di pa ubos ang kanyang allowance at alam niyang higit na kailangan iyon ng
kanyang ama. Ngunit naging maagap ang kanyang ama sa pag-abot.
DALAWANG araw niyang iniwasan si Eric.
Di na siya nagpupunta sa library. Pakokopyahin lamang niya ng assignment si
Meg, ipanghihiram siya ng librong kakailanganin. Di na rin siya nag-i-snack sa
canteen. Sa malapit na restaurant na lamang siya nagmemeryenda. At gate sa
likuran ang kanyang nilalabasan pag-uwian. Walang lingon-likod. Paparahin niya ang
unang dyip na makita. Sasakay agad. Lumuluwag lamang ang dibdib pag nakarating na
ng bahay. Batid niyang di siya susundan ni Eric. Walang sundo, walang hatid.
Iyon ang patakaran ng kanyang ama nang magkolehiyo siya, na sinusunod naman ni
Eric.
Pero por dios por santo! Namamalikmata
ba siya? Sino iyong lalaking nakatayo sa tapat ng kanilang gate? Hindi naman si
Dustin Ho_ man. At lalong di si Superman. Wala pa namang optic lens ang kanyang
mga mata. Kaya di siya maaaring magkamali. Si Eric? Dios mio, siya nga! Ibig niyang
iwasan pero… “Gie, ibig kitang makausap. Kahit ‘sang saglit lang,” nagsusumamo
ang tinig ni Eric. “Bakit hanggang dito’y sinusundan mo ‘ko? Nag-usap na tayo
noon, di ba? Di ako galit sa ‘yo.”
“Pero bakit mo ako iniiwasan? Anong
atraso ko? Ayaw mong pasundo. Ayaw mong pahatid. Ayaw mo namang makipag-usap.
Mabuti pa si Meg. Nauunawaan ako. Siya ang nagbigay sa ‘kin ng address mo.”
“Ano bang kailangan mo?” tanong niya.
“Ang sagot mo, Gie. Yes or no. Do you
love me, Gie? Do you?”
“Ewan ko, Eric. Naguguluhan ako.
Mahirap sagutin ang tinatanong mo. Di ako makapagdecide.”
“Dahil mahal mo rin ako?” tanong ni
Eric.
“S-siguro… Ewan.”
“Tiyakin mo, Gie. Bakit kailangang
itago mo ang nadarama mo? Mahal mo ‘ko di ba?” Sa halip na sumagot, nagtatakbo
siya. Pumasok sa bakuran. Itinulak ang pinto ng gate. Humahagulgol.
“Di ako aalis dito hanggat di mo ‘ko
sinasagot, Gie. Umulan sana. Bumagyo sana. Tamaan sana ako ng kidlat. Para
matapos na ang paghihirap ko. I love you, Gie… Gie….”
Tuluy-tuloy siya sa kanyang silid. Di
na naisara ang pinto. Padapa siyang nahiga sa kama. Pinagsusuntok ang unan. A,
kaytagal ding nilunod siya ng kanyang mga luha.
Lumangitngit ang kama. May humaplos sa
kanyang buhok.
“Mahal mo siya, Gie?” kilala niya ang
nagmamay-ari ng tinig. Nagbangon siya at hinarap ang ama.
“Ayokong mabigo kayo, ‘Tay. Ayokong
maging suwail sa inyo. Ayokong maging rebelde. Pero ano’ng gagawin ko? Kahit
saan ako magpunta. Kahit ano’ng gawin ko’y siya ang lagging nasa isipan ko. I
love him, ‘Tay. Really I do.” Napahagulgol siya.
“Nagkakaganito ko, ‘Tay, not because I
love you less but because I love him more.”
Isinubsob niya ang mukha sa balikat ng
ama.
“Eighteen na ‘ko, ‘Tay. Alam ko na ang
makabubuti para sa ‘kin. Alam ko na ang limitations ng pakikipag-nobyo. Give me
a chance to prove that I can be a complete woman.”
“Kaya mo na ba?” tanong ng kanyang ama.
“Kaya ko na, ‘Tay. Isa pa you’re always around to guide me,
di ba?”
“Syempre. What are fathers for? Basta’t
ang mahalaga’y maligaya ka.” sagot ng kanyang ama. “Sa tinging ko’y okey siya.
Nang nagsisigaw sa gate ay di ako nainis. Sa halip, natawa ako. Di ko akalaing
may ganoon kagrabeng magmahal sa anak ko.”
“Okay sa ‘yo si Eric, ‘Tay?”
“Ano pang magagawa ko? Anong
pagpapatunay pa ang kailangan para malaman kong mahal ka niya? Sapat na ‘yong
nakita ko kangina, Gie.”
Niyakap niya ang ama.
“Why don’t you invite him nang
magkaharap tayong tatlo. At the same time, makikilala ko pa siya nang lubusan.
Huwag kang mag-alala, iha. Ituturing ko siyang di na rin iba. After all, ganoon
din namang ang mangyayari. Bakit patatagalin pa natin.”
“Talaga, ‘Tay?”
“Mayroon bang di nasunod sa gusto ng
bunso ko?” sagot ng kanyang ama. “Basta’t magtapos muna kayo ng pag-aaral. At
ibig ko, hanggang sa loob ng bahay ka niya ihahatid.
Hindi sa labas ng gate. Eighteen ka na
yata. A complete woman, di ba?”
Niyakap niyang muli ang ama. Napahagulgol siya. Ngayo’y may
halo nang paglalambing.
Sino Sino Ang tauhan sa kiwento?Ilarawan Sila.
TumugonBurahinSino Sino Ang tauhan sa kwento?
TumugonBurahinNaalis ng may-ari ang komentong ito.
TumugonBurahin